No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pulso ng publiko sa pag-upo ng bagong pangulo

Sa pag-upo ng bagong administrasyon, ano nga ba ang pulso ng masang Pilipino?
 
Ating alamin ang ilan sa mga saloobin, opinyon, at kuro-kuro ng taumbayan sa pagkakaluklok ng bagong pinakamataas na lider ng bansa.
 
Sa pagtatapos ng anim na taong panunungkulan ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte, kamakailan lamang ay nasaksihan naman natin ang naging panunumpa ni Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
 
Sa pagsibol ng isang bagong administrasyong tataguyod sa sambayanan sa susunod na namang anim na taon, ilan sa ating mga kababayan sa siyudad ng San Fernando, La Union, hiling ay mga programang makatutulong o di kaya nama’y posibleng makapag-angat sa mga nasa laylayan.
 
Sa kabilang dako, ilan sa mga mamamayan ng lungsod ang umaasang ipagpapatuloy ng pamunuang Marcos ang magagandang nasimulan ng administrayong Duterte.
 
Si Manong Nebuchadnezzar, isang traffic enforcer, hiling na mabigyang solusyon ng bagong administrasyon ang matagal ng isyu ng contractualization sa bansa.
 
“Ang mga job order sana na gaya ko ay mabigyan ng pagkakataon na maging permanente. Umaasa po kami na matugunan niya ang ganitong problema ng mga manggagawa,” aniya.
 
Ibinahagi ni Manong Nebuchadnezzar na limang taon na niyang tinitiis ang init at ulan sa gitna ng kalsada bilang job order kumita lamang para sa pamilya at mapaglingkuran ang publiko.  
 
Samantala, dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin sa merkado bunga ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, umaasa naman si Aling Brenda, isang naglalako ng bibingka sa palengke, na bababa ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa pamilihan lalo na ang bigas.
 
“Sana po ay magkatotoo po ‘yong mga sinabi niyang plataporma niya noong kampanya na bababa lahat ng presyo ng bilihin lalo na ‘yong bigas,” ani Aling Brenda.
 

Ani Brenda Fernandez, 46 taong gulang na naglalako ng bibingka sa palengke sa siyudad ng San Fernando, La Union, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ang hiling na masolusyunan sa ilalim ng bagong administrasyon.

Ayon naman kay Mang Hector, isang dating kawani ng gobyerno, maipagpatuloy sana ng Pangulong Marcos ang pinaigting na kampanya kontra iligal na droga upang mapanatili ang seguridad ng publiko.
 
Sabi niya, “Puro babae ang mga anak ko pero hindi na ako natatakot kapag ginagabi sila ng uwi galing sa trabaho kasi wala ka nang makikita na mga pakalat-kalat na mga taong gumagamit ng pinagbabawal na gamot.”
 
Habang si Noli at Emily naman, pawang mga minimum wage earners, ay naniniwalang mapagtutulungan ng bagong halal na lider kasama ng kanyang administrasyon at ng taumbayan na muling makabangon at umunlad ang bansa sa kabila ang samu’t saring krisis na ating kinakaharap.
 
Ilan lamang yan sa boses ng milyong-milyong Pilipino.
 
Magkakaiba man ang hiling, opinyon, at kuro-kuro, tila iisang pangarap naman ang ating nais makamit – mas magandang buhay para sa bawat Pilipino.
 
At iyan ay kapareho ng pangarap ng ating Pangulong Marcos dahil ika nga niya sa kanyang inaugural address, “Ang pangarap niyo ay pangarap ko.”
 
Siya man o hindi ang nais mong maluklok sa pwesto, ang hatol ng nakararami ang siyang mangingibabaw. At siya ang napili ng mas maraming Pilipino.
 
Lipas na ang tagisan ng mga kandidato at panahon na para muling magkaisa nang maituloy ang laban tungo sa matatag, maginhawa at panatag na buhay para sa lahat ng Juan at Juana, hindi lamang sa loob ng bansa kundi saan mang panig ng mundo. (JCR/AMB/CGRC, PIA Region 1)


About the Author

Caren Grace Cabanayan

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch