No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: PWDs sa Calapan, tumanggap ng ayuda mula sa NGO, LGU

PWDs sa Calapan, tumanggap ng ayuda mula sa NGO, LGU

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Tumanggap ang nasa 58 kasapi ng samahan ng may kapansanan mula sa 62 barangay sa lungsod na ito ng ayuda buhat sa isang non-government organization (NGO) sa pamamagitan ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) at sa inisyatibo ng pamahalaang lungsod.

Dumalo sa unang pagkakataon si City Mayor Malou Morillo, isang araw matapos makapanumpa sa tungkulin at unang aktibidad na kanyang dinaluhan upang ipakita ang suporta sa hanay ng mga may kapansanan at malaman ang mga pangangailangan ng nasabing sektor na isinagawa sa covered court sa lugar ng city hall.

Inisyatibo ng pamahalaang lungsod ang pamamahagi ng ayuda sa sektor ng may kapansanan sa pamamagitan ng PDAO at mga samahan mula sa pribadong sektor. Ito ang kauna-unahang aktibidad na dinaluhan ng bagong alkalde ng lungsod. Makikita sa larawan (kaliwa) na nagbibigay ng mensahe si City Mayor Malou Morillo habang nakikinig sina (nakaupo mula kaliwa pa kanan) PDAO Head Benjie Agua Jr. at pangulo ng Elite Tamaraw Eagles Club Edmund Casanova at ang pamamahagi ng ayuda ni Mayor Morillo sa isang kasapi ng person with disabilitity. (Kuhang larawan ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Nagkaloob ang NGO na Elite Tamaraw Eagles Club na pinamumunuan ng pangulo na si Edmund Casanova at mga kasamahan nito ng mga bag na naglalaman ng noodles, sabon, bigas, delata at iba pa, na siyang paglilingkod sa pamayanan ng grupo at suporta sa pamahalaang lungsod.

Samantala, sinabi ni Mayor Morillo na handa ang pamahalaang lungsod na magpatayo ng isang mental health facility gayundin ang paglalaan ng pondo para sa sektor ng may kapansanan upang mapalakas pa ang hanay.

Nagkaloob ng ayuda bilang serbisyo sa pamayanan ng grupong Elite Tamaraw Eagles Club sa pamumuno ni Edmund Casanova na naglalaman ng bigas, delata, sabon at iba pang mapapakinabangan ng pamilya ng may kapansanan na isinagawa sa city covered court sa lugar ng City Hall kamakailan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Oriental Mindoro)

“Handa kong suportahan ang inyong mga pangangailangan at sa pamamagitan ng PDAO ay mapapagtagumpayan natin ang lahat ng hamon na ating kinakaharap sa buhay kaya magtulungan tayo para mas lalong gumanda ang ating pagsasama,” pagtatapos na mensahe ng alkalde.

Nakiisa din sa nasabing aktibidad si PDAO Head Benjamin Agua Jr., at ang pansamantalang tumatayo na pangulo ng pederasyon ng may kapansanan sa lungsod na si Ronald Bulan at mga pangulo ng may kapansanan sa barangay. (DN/PIA-Oriental Mindoro)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch