No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Social media: Nakakatulong ba o nakakapinsala sa panahon ng kalamidad?

Ang social media ay may mahalagang papel sa panahon ng kalamidad.
 
Kaya nitong magparating ng iba’t ibang impormasyon at balita sa loob lamang ng ilang minuto.
 
Malaking tulong din ito sa oras ng sakuna kung saan maaari nating malaman ang mga update sa sitwasyon sa isang lugar  na tulad na lamang ng pagkakaroon ng pagsasara ng kalsada, mga pinsala na dulot ng sakuna, mga ruta ng paglikas, mga itinalagang lugar ng tulong, mga lokasyon ng evacuation areas, at marami pang iba.
 
Ngunit, ang maling paggamit ng social media sa oras ng sakuna tulad ng pagyanig ay maaari ring maglagay sa indibidwal sa malaking panganib.
 
Ayon kay Jeffrey Perez, supervising science research specialist ng Department of Science and Technology-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS), isa sa mga nais iparating ng gobyerno sa publiko ang tama at responsableng paggamit ng social media lalo na sa oras na magkaroon ng sakuna o kalamidad.
 
Nito lamang Hulyo 27, 2022 sa oras na 8:43 ng umaga, sinubok ang kahandaan at katatagan ng karamihan ng Filipino nang biglang yanigin ng 7.3 magnitude na lindol ang Luzon.
 
Marahil karamihan ay isinagawa ang “Duck, Cover and Hold” na kalimitan ay sa drill lamang natin ginagawa, ngunit sa isang banda ay may mga taong nakalimot din sa dapat gawin sa oras ng sakuna tulad ng naranasan nating lindol.
 
Noong Miyerkules, matapos ang ilang minutong pagyanig ay kumalat din sa social media ang mga kuhang video na “di-umano’y pagkakaroon ng tsunami” sa isang bayan sa La Union.
 
Kapansin-pansin sa video na tila nalimutan ng karamihan sa mga tao sa naturang bayan ang mga dapat gawin pagkatapos ng malakas na lindol at nauna pa ang pagkuha ng larawan at video ng nangyaring pag-atras at pagragasa ng tubig sa baybayin.
 
Kung sakaling ang naturang paggalaw ng dagat matapos ang malakas na lindol noong Miyerkules ay nagdulot ng totoong tsunami, ang pagkuha ng larawan at video sa nasabing pangyayari para maibahagi sa social media ay maaaring maglagay sa isang indibidwal sa matinding kapahamakan.
 
Ayon kay Perez, ang tsunami o ang sunod-sunod na along likha ng lindol ay maaaring mangyari sa loob lamang ng 15 minuto hanggang 30 minuto matapos ang pagyanig.
 
Ito ay maikling oras lamang para sa maraming indibidwal na nasa baybayin upang maghanap ng mataas na lugar upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
 
 “Kung may banta ng paparating na tsunami, tandaan ang mga natural na senyales nito at agad na magtungo sa ligtas at mataas na lugar o lumayo sa dagat. Huwag magtungo sa tabing dagat upang panoorin o kuhaan ng larawan ang paparating na tsunami,” ani Perez sa virtual presser ng Philippine Information Agency nitong Huwebes.
 
Aniya, mahalaga rin na bukod sa tamang kaalaman sa paglikas ay dapat malaman din ng publiko ang tatlong natural na senyales ng paparating na tsunami.
 
Ani Perez, dapat tandaan na ang tsunami ay maaaring mangyari kung may lindol na may sapat na lakas para maramdaman; biglaang pagbaba o pagtaas sa antas ng tubig-dagat  (hindi ito ang normal na low tide o high tide sa baybayin); at may kakaibang tunog na likha ng papalapit ng alon (halimbawa: dagundong).
 
Dagdag pa ni Perez ang rekomendasyon ng PHIVOLCS na sa oras na maranasan ang tatlong senyales na nabanggit ay dapat maghanap ng isang lugar na mas mataas sa 10 metro o kahalintulad ng gusali na lampas sa tatlong palapag.
 
Payo pa ni Perez na huwag agad na maniwala sa ipinasang text o post sa social media at maniwala lamang sa mga mensahe at payo ng kinauukulan o ahensya tulad ng DOST-PHIVOLCS, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense(OCD).
 
Dapat din tandaan na ang paggamit ng social media sa maling paraan at oras ay maaari ring magdulot ng kalituhan at karagdagang pagkaantala sa mga magreresponde o mga unang tutugon sa publiko sa oras ng kalamidad. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)
 

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch