No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Balayong Park, mahalaga sa kalikasan

Balayong Park, mahalaga sa Kalikasan

Ang itinanim na Balayong Tree ng PIA Palawan sa Balayong People's Park, Puerto Princesa City noong 2017 ay malago at mataas na ngayong 2022.(Larawan ni Orlan Jabagat, PIA Palawan)

Rizal Park, Children’s Park, Colisuem Park at Mendoza Park - ito lamang ang mga parke na makikita at mapapasyalan noon sa Puerto Princesa City. Kung pagsasamahin, hindi aabot sa isa’t-kalahating ektarya ang kabuuang sukat ng lupain ng parke. Kaya noong 2017, nagtayo ang pamahalaang Lokal ng Puerto Princesa ng isang malaking parke na tinawag na Balayong People’s Park, isa itong 63 ektaryang tree park na makikita sa Barangay Santa Monica, katabi lamang ng Ramon V. Mitra Sports Complex.

Noong Hulyo 30 ginanap ang ika-6 na Balayong Tree Planting and Nurturing Festival 2022 kung saan maraming tao ang dumalo. Matapos ang pagtatanim ng puno at pagdidilig sa mga dati nang naitanim ay nagkaroon ng isang programa kung saan sinabi ni Punong Lunsod Lucilo R. Bayron na mahalaga ang parkeng ito dahil ito ang magiging koleksyon ng sobrang tubig, dahil sa mga susunod na panahon ang siyudad ay magiging kongkreto na lahat kaya wala nang puwedeng pasukan ng tubig sa ilalim ng lupa kaya makakatulong talaga ang parke hinggil dito.

Ayon pa sa alkalde, ang parke rin ay magiging tirahan ng mga maliit na buhay ilang tulad ng mga ibon, at insektibo. Nais niya rin na dayuhin ito ng ibong Katala o Cockatoo kaya nagtanim rin ng mga namumungang punong kahoy sa parke.

Samantala, ipinaliwanag naman DENR-CENRO OIC Pedro A. Velasco na mahalaga rin ang pagkakaroon ng Balayong Peoples Park lalo na’t napakarami na ng sasakyan sa siyudad ngayon, ibig sabihin, napakarami na ng carbon dioxide ang ibinubunga ng mga sasakyan. Aniya, sa physiological process ng isang kahoy, para lumaki ay gumagawa ito ng ‘sugar’ sa pamamagitan ng paghigop ng mga carbon dioxide sa kapaligiran kung saan nagkakaroon naman ng chemical reaction sa dahon nito at pagkatapos ay magbubuga o maglalabas na ito ng oxygen at water vapor o tubig.

“Sa pamamagitan nito, nakakatulong ‘yong  mga punong kahoy sa paglilinis ng hangin sa ating kapaligiran na kung saan minu-minuto ay kinakailangan ng ating katawan dahil  tayo ay humuhinga, kailangan po natin ng oxygen ” saad pa niya.

Ayon pa sa kaniya, sa susunod na limang taon mararanasan na sa parke ang napakasarap na paghinga dahil ang nararanasang malamig na klima at mapreskong pakiramdam sa acacia tunnel sa barangay Inagawan ay mararanasan na rin sa Balayong Park. Hinikayat niya rin ang mga magulang na ipaliwanag sa mga anak at apo ang kahalagahan ng pagtatanim ng punong kahoy.

Sa ngayon ay mayroon nang 1,391 punong Balayong ang naitanim sa parke simula noong 2017. Ngayong taon ay nasa 840 ang naitanim na puno sa paikot ng parke kasama ang 56 Balayong Tree at iba pang puno tulad ng Golden Shower, Banaba, Bignay, Mulberry, Alibangbang at Kamuning tree. Ang pangalan ng parke ay nagmula sa Balayong Tree na ang mga bulaklak ay maihahalintulad sa Cherry Blossom ng bansang Japan.

Maliban sa mga punong nakatanim sa parke ay mayroon rin itong mga sports amenities, five-level watch tower, elevated viewdeck, outdoor amphitheater, water fountain, learning pad, botanical and herbal garden at maraming iba pa. Hamon ngayon sa mga taga-Puerto Princesa City na ingatan ang parke, palaguin ang mga punong itinanim para pagdating ng panahon may masarap at sariwang hangin tayong lalanghapin kasabay ng pag-unlad ng ating bayan.(MCE/PIA MIMAROPA)

About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch