No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Alamin ang mga benepisyong hatid ng pagsunod sa health protocols

Ang terminong “minimum health protocols” ay unang naipakilala sa atin noong lumaganap ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. 
 
Ilan sa mga pangunahing konsepto ng minimum health protocols ay ang pagsusuot ng face mask, pag-iwas sa matataong lugar o pagtupad sa isang metrong distansya, at ang parating paghuhugas ng kamay gamit ang tubig o alcohol.
 
Sa loob ng higit dalawang taon at maging sa kasalukuyan, ang pagsunod sa minimum health protocols ang sumamo ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH at ng mga eksperto sa publiko upang makaiwas sa nakamamatay na coronavirus.  
 
Lingid sa ating kaalaman, hindi lamang pala COVID-19 ang ating naiiwasan sa pagsunod sa minimum health protocols kundi maging ang iba pang mga nakakahawang sakit. 
 
Ayon kay Medical Officer IV Rheuel Bobis ng Ilocos Center for Health Development, ang pagtalima sa mga nasabing alituntunin ay makakatulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng tuberculosis at ng bagong sakit na kilala sa tawag na monkeypox. 
 
“Hindi lamang po COVID-19 ang ating maiiwasan kapag tayo ay istriktong sumusunod sa minimum health standards kundi gayundin ang iba pang sakit na nakakahawa gaya ng TB at monkeypox,” ani Bobis. 
 
Paliwanag ni Bobis, ito ay dahil gaya ng COVID-19 ay nakakahawa ang TB sa pamamagitan ng tumalsik na laway kapag umuubo o bumabahing ang isang tao na pwedeng-pwedeng maiwasan lalo kung ang isang tao ay nagsusuot ng face mask o naglalagay ng tamang distansya mula sa kausap. 
 
Sa kabilang dako, ang monkeypox naman ay maaaring makahawa sa pagdidikit ng mga balat kaya naman mainam na umiwas sa matataong lugar o sumunod sa isang metrong distansyang pagitan mula sa ibang tao.
 
Kaya naman sa panahon ngayon kung saan maraming sakit na ang nagsusulputan, ibayong pag-iingat ang kailangan.
 
Sa mga nakalipas na taon ay naging malaking parte na ng ating pang-araw-araw na pamumuhay ang minimum health protocols, kaya naman sana ay ugaliin na natin ang palagiang pagsunod hindi lamang para sa pansariling kaligtasan kundi para sa ikabubuti ng pampublikong kalusugan. (JCR/AMB/CGRC, PIA Region 1)

About the Author

Caren Grace Cabanayan

Writer

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch