Pinakamasustansiya at pinamakaganda pa ring pagkain para kay baby ang gatas ng ina, lalo sa unang isang libong araw nito, ayon sa National Nutrition Council (NNC) sa isinagawang Kapihan sa PIA kamakailan.
Binigyang-diin ni Ma. Eileen Blanco, Regional Nutrition Program Coordinator ng NNC Mimaropa, na taglay ng gatas ng ina ang mga sustansya na kailangan ng sanggol sa kanyang paglaki at proteksyon laban sa mga sakit na posibleng tumama dito. “May colostrum ang gatas ng ating nanay na nagsisilbing bakuna ni baby laban sa iba’t ibang impeksyon” ani Blanco. Ang colostrum, ayon pa sa opisyal, ay ang unang likidong lumalabas sa dibdib ni nanay sa unang pagsuso ng sanggol.
Hindi lang pagkain, nutrisyon at bakuna ang nakukuha sa pagpapasuso, idinagdag ni Blanco ang nabubuong bonding ng mag-ina tuwing isinasagawa ang breastfeeding. Mas mainam aniya ang yakap at hawak ng ina sa sanggol, dahil sa pamamagitan nito ay nade-develop ang pisikal at emosyonal na ugnayan ng mag-ina, kumpara sa pagbibigay ng bote o bottle feeding ang pagpapakain kay baby.
Kaugnay nito, ipinaalala din ni Blanco ang kahalagahan ng exclusive breastfeeding sa unang anim na buwan. Aniya, gatas ng ina lamang ang dapat ibigay kay baby at wala nang iba, maliban kung ibinilin ng doktor na kailangan nitong uminom ng bitamina o gamot. “Pagkatapos naman ng anim na buwan, kulang na ang nutrients mula sa gatas ng ina kaya unti-unti tayong magdadagdag ng masusustansyang pagkain ng pamilya para kay baby,” saad ng Regional Nutrition Pogram Coordinator. Ang pagbibigay ng karagdagang pagkain na ito ay tinatawag na complimentary feeding at ani Blanco, dapat isaalang-alang na hindi pa makakanguya ng maayos si baby kaya’t malambot lamang na pagkain ang ibigay, at itutuloy ang pagpapasuso ng gatas ng ina.
Idinagdag pa ni Blanco na ang pagpapasuso ay dapat ituloy hanggang sa ikalawang taon ng bata upang mas matiyak na siya ay mananatiling malusog. “Lumitaw sa mga pag-aaral ng mga eksperto na mas mainam para sa development ng sanggol kung hindi bababa sa dalawang taon ang pagpapasuso ng gatas ng ina,” paliwanag ng opisyal.
Panawagan din ni Blanco sa mga bagong ina at mga nagdadalang-tao na aktibong makipag-ugnayan sa kanilang health center upang mabigyan ng tamang kaalaman sa estado ng kanilang pagbubuntis o pagiging bagong ina. “Alamin natin ang mga tamang impormasyon sa kahalagahan ng pagpapasuso, hindi dapat tayo magpadala sa mga komersyal o anunsyo ng mga formula milk, dahil ang gatas ng ina ang the best pa rin kay baby,” pagtatapos ni Blanco. (VND/PIA MIMAROPA)