No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tamang nutrisyon, dapat isapuso at pahalagahan ng mga Pilipino - NNC

Malakas at malusog na katawan ang bunga kung isasapuso at bibigyang-halaga ng bawat Pilipino ang wastong nutrisyon, lalo sa gitna ng mga hamong dala ng pandemya at iba pang sakit, ayon sa National Nutrition Council (NNC).

Sa panayam ng Radyo Natin San Jose, isang lokal na himpilan sa Occidental Mindoro, ay binigyang-diin ni Ma. Eileen Blanco, Regional Nutrition Program Coordinator, ang malaking bentahe ng malusog na pangangatawan laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Aniya, kung well-nourished ang isang indibidwal, nagiging resilient ang katawan nito o may kakayahan na labanan ang mga impeksyon, at kung magkasakit man ay mas mabilis gumaling. “Ngunit tandaan natin na sa kaso ng mga virus gaya ng COVID-19, ang nutrisyon ay dapat suportahan ng bakuna, yung primary at booster shots, para higit tayong protektado,” pagbibigay-diin pa ni Blanco.

Kaugnay nito, ipinaliwanag rin ni Blanco na ang tamang pagkain ay dapat may kaakibat na ehersisyo. Aniya, para sa kumpletong gabay ay nandiyan ang Pinggang Pinoy na naglalaman ng tama at balanseng pagkain para sa mga Pilipino, batay sa konsepto ng go, grow at glow foods. Ang regular na ehersisyo, dugtong ng opisyal, ay kailangan upang magamit ang mga enerhiyang nakukuha sa pagkain, na kapag naimbak ay kadalasang nagiging taba sa katawan. “Sana maibalik ang pisikal na paglalaro ng mga bata. Ang pagkagumon nila sa mga computer at gadget ay nagreresulta sa hindi nila pagiging aktibo, na isang dahilan kaya maraming kabataan ngayon ang overweight,” saad ni Blanco.

Mahalaga rin, ayon sa opisyal, ang pagkakaroon ng sapat na tulog. Sa artikulong Nutrition and Sleep Quality na mababasa sa NNC website ay tinalakay ang kaugnayan ng pagtulog at kalusugan. Nakasaad dito na nakakaapekto sa kalidad ng tulog ang mga kinakain at iniinom ng isang tao; malaki din ang naitutulong ng tamang haba ng tulog sa mga nagmimintina ng tamang timbang o kaya’y nagnanais magbawas ng timbang.

Sa huli, ipinaalala ni Blanco na ang pagpapahalaga sa kalusugan ay susi sa pagiging produktibo ng isang pamayanan. Aniya, hindi mapapasubalian ang katotohanan na ang bayan na may malusog at malakas na mga mamamayan ay higit ang potensyal na makamit ang kaunlaran. (VND/PIA MIMAROPA)


About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch