No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Umaagos na pag-asa sa Hinulugang Taktak

Tanyag ang lungsod ng Antipolo sa mapanghalina nitong tanawin na nananatiling patok sa mga turista. Kadikit nito ang magandang vista at  malinaw na tubig na umaagos mula sa talon ng Hinulugang Taktak. 


Upang mapangalagaan ang Hinulugang Taktak, idineklara ito bilang bilang National Park noong 1990, at kalaunang kinilala bilang Protected Landscape noong taong 2000. 


Sa lawak na 3.58 ektarya, ito ang pinakamaliit na Protected Landscape sa bansa alinsunod sa Republic Act No. 11038 o Expanded National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 2018.

Nilimot na paraiso

Sa kabila ng kanyang katayuan bilang isang Protected Landscape, tila nilimot ng panahon ang Hinulugang Taktak  na dating paksa ng mga paboritong awitin. 


Mula sa pagiging paboritong pasyalan at tagpuan, ang tanging pagkakakilanlan ng kasalukuyang henerasyon sa Hinulugang Taktak ay ang masangsang na amoy na umaalingasaw mula sa maruming tubig, bakas ng kapabayaan na kanyang dinanas. 


Ayon kay Bb. Violeta Faiyaz na tumatayong Department Head ng Antipolo City Environment and Waste Management Office (CEWMO), malaki ang naging epekto ng migrasyon sa kinahinatnan ng Hinulugang Taktak. 


Bunga ng pagdami ng tao ay ang pagdami ng basura, at kemikal na dumadaloy sa mga pangunahing waterway ng lungsod na umaagos patungo sa Hinulugang Taktak. 


Ayon sa CEWMO, basura ang pangunahing dahilan ng kontaminasyon ng tubig sa Hinulugang Taktak Protected Landscape kaya naman ito ang unang binigyang pansin sa kanilang rehabilitation program.  


“Hindi mo talaga masasabi na okay na talaga noon ang Hinulugang Taktak kasi nagkaroon po ito ng deterioration dahil sa pagdami ng tao. Kasi kung titingnan mo ngayon, ang laki po talaga ng pinagbago. Kasi even then, maraming waste water, basura, at kaayusan ng area itself,” ani Faiyaz. 

Ayon kay Rex Olivo, Safety Instructor in Charge ng Hinulugang Taktak Protected Lanscape, maganda ang idinulot ng rehabilitasyon sa parke upang mahikayat ang publiko na tangkilikin at mahalin ito. (STT/PIA4A)

Muling pagbubukas

Batid ng pamahalaang lungsod ng Antipolo ang pinsalang magbubunga kung tuluyang pababayaan ang Hinulugang Taktak, sa kalikasan man o sa kanilang mga kababayan. 


Kaakibat ng pagkakakilanlan ng kanilang lungsod ang Hinulugang Taktak kaya mahalagang  agad mabigyang pansin ang pagpapanumbalik ng dating ganda ng talon.  


“Una ang ginawa natin [ay] pagtatayo ng mga trash traps along the riverbanks para po ma-trap ang mga basura, mga solid waste. Nagkaroon tayo ng greening component, tapos nagkaroon tayo ng cleaning component para maging malinis talaga ang Hinulugang Taktak,” ani Faiyaz.


Subalit hindi sapat na panatilihin lamang na malinis ang Hinulugang Taktak, kailangan ring maipabatid ng pamahalaang lungsod sa kanilang mga kababayan ang mga pribilehiyong kanilang matatamasa partikular na sa kanilang kabuhayan at turismo. 


Kaya naman matapos ang ilang taon na paglilinis at restorasyon, muling binuksan ang Hinulugang Taktak upang muling masilayan ng publiko ang ganda ng talon na naging inspirasyon ng mga pamosong kanta. 


Batay sa datos ng City Tourism Office, mula sa mahigit 90 bisita ay pumapalo sa higit 500 hanggang 2,000 turista ang nagtutungo sa Hinulugang Taktak bawat araw.


Subalit naniniwala ang lokal na pamahalaan  na hindi sapat na mamangha lamang sa ganda ng Hinulugang Taktak ang mga bisitang darayo sa kanilang lungsod, kanilangan ring may maibabaon silang ala-ala pag-uwi sa kani-kanilang tahanan. 


Hinulugang Taktak sa bagong normal

Isa sa mga programa ng Antipolo upang dayuhin ang kanilang lungsod ay ang pagtatayo ng mga pasilidad na magbibigay ng dagdag-kaalaman hindi lamang sa mga tauhan nito, kundi maging sa mga turista magtutungo dito. 


Ayon kay City Tourism Officer Mar Bacani, ilan sa kanilang mga plano ang pagtatayo ng museo, convention center, at eco-large souvenir restaurant. 


“Tuloy-tuloy rin ang ating mga training para magkaroon ng dagdag kaalaman sa mga tauhan para po laging maganda at dadayuhin lalo ang Hinulugang Taktak,” ani Bacani. 


Buong suporta ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga programa ng pamahalaang lungsod upang manumbalik ang dating ganda ng Hinulugang Taktak, nang sa gayon ay hindi lamang sa mga kanta at litrato ito matunghayan ng mga susunod na henerasyon. 


“Parang nakakaguilty na yung ninuno natin inenjoy ang pagiging pristine ng water. Pero yung susunod na henerasyon, hanggang libro na lang nila ito mababasa, kung mailalagay pa sa tala ng kasaysayan,” ani DENR Calabarzon Regional Executive Director Nilo Tamoria. 


Kung maikikintal sa kamalayan ng bawat isa, turista man o hindi, ang kahalagahan ng pangangalaga ng Hinulugang Taktak hindi lamang mapanunumbalik ang dating ganda ng Hinulugang Taktak. Bagkus, makatulong ito sa pagpapanatili ng kagandahan ng Hinulugang Taktak.


Maaring bisitahin ang Hinulugang Taktak mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon. 


About the Author

Patricia Bermudez

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch