Malaki ang naging tulong ng Rain Harvester na ipinagkaloob ng DOST-MIMAROPA sa Sitio Bulabog, Occidental Mindoro upang makakuha ng malinis at maayos na suplay ng tubig ang mga mamamayan dito. Sa kasalukuyan, nasa 40 na pamilya mula sa naturang sitio ang nakikinabang dito. (Larawan mula DOST-MIMAROPA website)
Hindi maipagkakaila na mayroong mga lugar sa lalawigan ng Occidental Mindoro ang hindi naaabot ng mga pangunahing serbisyo; maaaring dahil sa layo nito o di kaya sa estado ng lugar. At isa ang suliraning sa pagkakaroon ng malinis at ligtas na suplay ng tubig ang kinakaharap ng karamihan sa mga ito.
Dahil dito, ilang serye ng mga programa at proyekto ang inilalapat ng iba’t-ibang ahensiya sa mga lugar na apektado ng ganitong problema. Isa ang barangay ng Caguray sa naturang lalawigan ang napagkalooban ng proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) MIMAROPA upang matugunan ang kinakaharap na suliranin pagdating sa suplay ng malinis na tubig. Nagkaloob ang naturang ahensiya ng Rainwater Harvester System sa Sitio Bulabog ng naturang barangay na maaaring lumikha ng trabaho at tulu-tuloy na suplay ng malinis at ligtas na tubig na magagamit ng mga mamamayan dito.
Isa ang Sitio Bulabog sa mga lugar sa naturang lalawigan na may kakulangan sa suplay nang malinis na tubig; idagdag pa ang layo nito mula sa barangay proper. Maaaring puntahan lamang ang naturang sitio sa pamamagitan ng pagsakay sa bangka, Tinatayang nasa 300 mahigit ang indibidwal na nakatira dito na ang tanging pinagkukunan lamang ng suplay ng tubig inumin ay mula s abatis sa Ilin Island ng San Jose. Isa rin sa alternatibong paraan upang magkaroon sila ng tubig inumin ay ang pagbili ng malinis na tubig sa mga kalapit na bayan; ngunit ay kinakailangang bumiyahe sa pamamagitan ng bangka at maaring tumagal ang biyahe ng 40 minuto. Dahil na rin sa walang maayos na transportasyon sa lugar, ginagamit ng mga residente ang kanilang mga bangka sa pagkuha ng tubig, dalawa o tatlong beses kada linggo. Kapag masungit ang panahon, hindi nakakakuha ang mga residente ng suplay ng tubig kaya talagang napakahirap ng sitwasyon ng mga ito pagdating ng typhoon season.
Upang maibsan ang suliraning ito, nagtayo ang DOST ng 100m2 Rainwater Harvester sa naturang sitio. May kapasidad ang aparato na mag-imbak ng 4,000 litro na tubig na mayroong off-the-shelf rainwater filter at purifier upang maisiguro na magiging ligtas ang kukunin na tubig dito.
Sa kasalukuyan, nasa 40 na kabahayan ang nakikinabang sa naturang teknolohiya na siya namang ginagamit ng mga ito para sa pangunahing pangangailangan katulad ng pagkakaroon ng malinis na inumin, kasangkapan sa pagluluto, panglinis at iba’t-iba pang pangangailangan.
Ang pagkakaloob ng naturang harvester ay naisakatuparan sa pamamagitan ng programa ng DOST na Smart Community na naglalayon na bigyan ng mga kapaki-pakinabang na mga programa at proyekto ang mga barangay o komunidad na lubos na nangangailan nito. (JJGS/PIA-MIMAROPA)
Larawan sa pinakataas na bahagi mula DOST-MIMAROPA website