No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Pangako sa Saad

Inaasahan na ng nakararami nating mga kababayan na gobyerno ang tutugon sa mga hinaing at pangunahing pangangailangan ng isang pamayanan, gaya ng maayos na daan, kabuhayan, mga serbisyong pangkalusugan, at kahit na pabahay. Sa isang maliit na barangay na kakarampot lang din ang pondo, isang malaking hamon ito.

Kamakailan, may sa dalawamput-pitong mga ahensiya ng gobyerno ang bumisita sa Barangay ng Saad, isang liblib na lugar sa Dumingag, Zamboanga del Sur upang maghatid ng ng mga serbisyo sa ating mga kababayan.

Ayon sa mga tao, ang Saad ay salitang Bisaya na nangangahulugang pangako sa Filipino. Kung kaya’t ang sabi-sabi na ipinangalanan ang lugar dahil sa dami na ng mga pangakong nabitawan sa lugar na hinihintay pang maisakatuparan.

Hamon ng daan papuntang Saad

Matarik ang daan. Dahil panahon ng tag-ulan, madulas at maputik ito. kapansin-pansin na inaayos na ang daan na dumagdag pa sa paglambot ng lupa. Ayon sa DPWH dahan-dahan nang isinisemento ang mga daan sa lugar. Parte raw ito ng proyekto sa ilalim ng National Task Force in ending Communist Armed Conflict sa rehiyon.

Sa pagpunta namin, may mga ilang mga sasakyan ang hindi na makadaan dahil sa dulas at matarik na ilang parte ng daanan. Dahil walang signal sa Saad, naghintay na lamang kami sa dadaang mga sasakyan ng sundalo.

Karamihan sa mga kawani ng gobyerno ay first time sa Saad, kaya porsigido kaming sumuong at sumakay sa military truck. Makikita mo ang tuwa, ngiti, at saya habang ini-enjoy ng lahat ang paglalakbay. Ang Pilipino nga naman, kahit na nahihirapan, pilit pa rin makapag-video at mag-selfie.

Habang naglalakbay, kapansin-pansin ang magandang tanawin. Maliban sa pananim at sakahan ng mais, kakaunting taniman ng niyog na hindi rin gaano kalusog. Pansin rin na walang mga puno at malalaking kahoy na bubuo ng isang kagubatan. Malaking hamon sa local na pamahalaan na padamihin ang mga punongkahoy sa lugar.


Serbisyong bayan

May mga dumagsa nang mga tao sa venue. Ang mga ahensya na kasama naming dumating ay kanya-kanya na ring nagset-up ng kanilang booth sa may basketball court na katabi lang ng barangay hall. Pinagkasyahan na lang nila sa mga maliliit na mga lamesa ang anumang mga gamit, goods, at IECs na mailagay.

Maliit at luma na ang barangay hall na hindi pa halos tapos ang bubong. Walang opisina ng barangay sa barangay hall, kung tutuusin. Ayon sa kapitan, sa bahay lang sya nagoopisina dahil hindi pa angkop ang kasalukuyang barangay hall. Ginawa munang quarters ng mga sundalo ang lugar habang hindi pa ginagamit ng barangay. Ganoon din ang sitwasyon ng barangay health center, bago ang gusali pero walang regular na serbisyong pangkalusugan kung kayat tinutuluyan na rin muna ng mga sundalo.


Katuparan ng hiling

Isang programa ang isinagawa habang nasa lugar ang mga katutubo at bawat ahensya ay nagpahayag ng kani-kanilang mga programa na pwedeng mapakinabangan ng mga katutubo ng Saad. Tuwang-tuwa ang mga tao sa mga ipinamahagi ng mga ahensya, gaya ng mga punla at buto para pananim, mga tsinelas, sapatos, school supplies para sa mga bata, hygiene at survival kits sa ilang pamilya, mga bitamina at gamut na hindi lang para sa mga tao, kundi pati na rin sa kanilang mga alagang hayop, mga libro at supplies para sa mga guro at paaralan, at iba pang mga serbisyo ng mga ahensya.

Laking pasasalamat ng mga tao at opisyal ng barangay na kahit sa isang araw lang ay nakapaghatid ng serbisyo ang mga kawani ng ahesya ng gobyerno sa kanilang lugar. Mapaghamon man ang sitwasyon papuntang Saad, nagagalak rin ang mga kawani ng gobyerno na maghatid ng impormasyon at serbisyo sa ating mga kababayan na malayo sa kabihasnan.

Matapos ang araw, nasiyahan naman ang mga kawani sa pagdala ng serbisyo sa pinakamas nangangailangan na mga lugar. Isang karangalan ang nadama at dala ang mga hamon at mga natutunan sa karanasan kasabay ng taimtim na dasal na maisakatuparan na ang mga naipangako sa Barangay Saad. (EDT/RVC/PIA9/20221104)

About the Author

Rene Carbayas

Assistant Regional Head

Region 9

Media practitioner, a teacher by profession, an advocate for youth, peace and environment, culture and the arts, playwright and theater artist; earned his Masters Degree in Theater at the University of the Philippines in Diliman, and pursued studies in public administration at Western Mindanao State University. Some 19 years in public service and today as Assistant Regional Head of the Philippine Information Agency Region IX.

Feedback / Comment

Get in touch