No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sinsay

Habing Ibaan sa makabagong panahon

Paano mapangangalagaan ang kulturang kinagisnan ng ating mga ninuno kung hindi na ito ang interes ng kasalukuyang henerasyon?

Ito ang tanong na pilit sinasagot ng kababaihan ng SM Sunrise Weaving Association ng Ibaan Batangas, isang grupo ng mga maghahabi na patuloy na sinisikap buhayin ang naghihingalong kultura ng kanilang bayan.
 
Palasak at gasgas man ang mga katagang binitiwan ni Dr. Jose Rizal, kaakibat nito ang hamon para sa henerasyon na tinatahak ang sangandaan ng modernisasyon at pangangalaga sa kulturang kinagisnan.
 
Bagama't walang eksaktong tala ukol sa taon ng pagsisimula ng paghahabi sa bayan ng Ibaan, nakilala ito sa paggawa ng kulambo na nilalako sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
 
Nalibot rin ng ilang henerasyon ng mga Ibaeño ang buong bansa dala ang kanilang mga kulambo at kumot na manu-manong hinabi sa kanilang tahanan.
 
Masinsin at matibay, kilala ang Habing Ibaan sa kakaiba nitong disenyo. Bahagi ng kabataan ng bawat Ibaeño ang mga kulambo na hinabi ng kanilang nanay o mamay na kalaunan ay inilako sa mga karatig bayan.

Sa kamay ng mga maghahabi na na binansagang ‘Nanay Weavers' nakasalalay ang kahihinatnan ng Habing Ibaan sa gitna ng nagbabagong panahon at modernisasyon. (PB/MBLito)

Nasa detalye

Sa katahimikan ng Sitio Santa Margarita sa bayan ng Ibaan umaalingawngaw ang nag-uumpugang kahoy ng de pedal na habihan sa maliit na workshop ng SM Sunrise Weaving Association.
 
Sa kamay ng mga maghahabi na na binansagang ‘Nanay Weavers' nakasalalay ang kahihinatnan ng Habing Ibaan sa gitna ng nagbabagong panahon at modernisasyon.
 
Nabuo ang SM Sunrise Weaving Association noong 2017, ilan lamang sila sa mga natitirang maghahabi na gumagamit ng tradisyunal na habihan o handloom.
 
Kabilang sa kanila si Nanay Auria Ramos. Sa edad na 63, maiglas at masayahin si Nanay Auria nang makausap siya ng Philippine Information Agency Calabarzon.
 
Sa mga rolyo ng sinulid unti-unting nabubuo ni Nanay Auria ang makukulay na tela na kalaunan ay tatahiin upang maging bag, wallet, o scarf.

Kulturang Ibaeño

Bagamat ipinagmamalaki ni Nanay Auria ang naging tagumpay ang kanyang mga anak sa pinili nilang larangan, aminado siyang ni isa sa kanilang mga anak ay walang nananatili sa Ibaan upang maghabi. (PB/MBLito)

Isa sa mga hamong kinakaharap ng makabagong panahon ang pagpapanatili ng kinagisnang kultura at kasaysayan ng ating mga ninuno. Tila unti-unting binubura ng modernisasyon ang kultura na manu-manong binuo, hinabi at pinatibay ng panahon.
 
Sa kanyang panayam sa Philippine Information Agency Calabarzon, bakas sa mga mata at pagkakalikot ng mga daliri ang pangamba ni Nanay Mayeta Ochua sa kahihinatnan ng Habing Ibaan na ipinamana ng kanilang mga magulang at ninuno.
 
Ayon kay Nanay Mayeta, maaaring mawala ang kultura ng paghahabi sa kanilang bayan dahil sa kawalan ng interes ng kabataan dito.
 
Paliwanag niya, “Ito po ang kultura na dapat hindi natin makalimutan. Ito na po ang kinabihasnan natin n asana naman, maipagpatuloy hanggang sa huling henerasyon,”
 
Mayroon nang kani-kaniyang karera sa iba’t ibang larangan sa Kamaynilaan at kalapit bayan ang mga anak ni Nanay Auria.
 
Bagamat ipinagmamalaki ni Nanay Auria ang naging tagumpay ang kanyang mga anak sa pinili nilang larangan, aminado siyang ni isa sa kaniyang mga anak ay walang nananitili sa Ibaan upang maghabi.
 
“Ang paghabi po ay isang ritmo. Isang himno, at isang art ang paghabi. Hindi lang po basta habi yan. Talaga pong yan ay may passion. Kailangan po ay may passion sa paghahabi.”
 
Bukod sa karagdagang kita para sa kanilang mag-asawa, nakahanap si Nanay Auria ng bagong libangan.
 
Kabilang sa listahan ng kanilang mga tagasuporta ang mga lokal na fashion designer at ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Science and Technology (DOST) at lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Joy Salvame.
 
Ayon kay Remedios Valencia na tumatayong pangulo ng SM Sunrise Weaving Association, kabilang sa mga masugid na tagausporta ng habing Ibaan ang mga lokal na fashion designer at mga ahensya ng pamahalaan.
 
“Sa halip na bumili sila sa market, sa amin na lang po umoorder kaya thankful po kami nang marami. Lahat po ng mga ahensya natin na walang sawang tumutulong sa amin.” Ani Nanay Remy.

Naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Ibaan sa kahalagahan ng pangkabuuang suporta sa industiya ng paghahabi sa kanilang bayan.
 
Sa pangunguna ni Mayor Joy Salvame, patuloy na nakikipagtulungan ang pamahalaang bayan sa mga Nanay Weaver upang mapagyabong ang Habing Ibaan dahil sa kasaysayang kalakip nito.
 
Kabilang sa kanilang mga interbensyon ang pagbibigay ng mga training para sa mga lokal na maghahabi tulad nina Nanay Remy at Nanay Auria upang mapagyaman ang mga pattern at technique sa paghahabi.  

Sa pangunguna ni Mayor Joy Salvame, patuloy na nakikipagtulungan ang pamahalaang bayan sa mga ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga Nanay Weaver na mapagyabong ang Habing Ibaan dahil sa kasaysayang kalakip nito. (PB/MBLito)

Sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), regular na sumasailalim sa mga pagsasanay ang mga lokal na maghahabi tungkol sa mga makabagong pattern.
 
Aktibo rin ang Habing Ibaan sa pagpapalago ng lokal na turismo. Sa pamamagitan ng Ibaan Pasalubong Center, ibinebenta ang mga produkto ng SM Sunrise Weaving Association sa mga turista. Aktibo rin ang mga Nanay Weaver sa mga eksibisyon sa loob at labas ng bansa.
 
Sa ilalim ng DOST Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), patuloy na pinagyayaman nina Nanay Auria ang mga pattern ng kanilang mga habi upang makasabay sa uso at demand ng merkado.
 
“We are supporting them with whatever financial na kailangan sa pagbili ng kanilang mga raw materials, ‘yung sweldo ng mga tao,” patuloy ni Salvame.
 
Bukod sa tulong pinansyal at paghahanap ng mercado para sa mga maghahabi, nais rin ng lokal na pamahalaan na makapagbukas ng sarili nitong museuo na tampok ang kultura at kasaysayan ng kanilang bayan. 

Habing Ibaan sa makabagong panahon

Nangangamba si Nanay Auria na maaaring mawala ang kultura ng paghahabi sa kanilang bayan dahil sa kawalan ng interes ng kabataan dito.
 
Sa kanyang panayam sa Philippine Information Agency Calabarzon, bakas sa kanyang mga mata at pagkalikot ng mga daliri ang pangamba at kalungkutan sa maaaring kahinatnan ng kasanayan na ipinaman ng kanilang mga magulang at ninuno.
 
Mayroon nang kani-kaniyang karera sa iba’t ibang larangan sa Kamaynilaan at kalapit bayan ang mga anak ni Nanay Auria.

Bagamat ipinagmamalaki ni Nanay Auria ang naging tagumpay ang kanyang mga anak sa pinili nilang karera aminado wala sa kanyang mga anak ang nanatili sa Ibaan upang maghabi.
 
Kahit sala-salabid ang hinaharap para sa paghahabi ng Ibaan, naniniwala si Nanay Remy at ang kababaihan ng SM Sunrise Weaving Association na sa wastong pangangalaga at interes ng mga susunod na henerasyon matitiyak ang pagyabong at pag-unlad ng Habing Ibaan hanggang sa mga susunod na panahon.


“Ang paghahabi po ay isang ritmo. Isang himno, at isang art.

Hindi lang po basta habi ‘yan. Talaga po ‘yan ay mayroong passion. Kailangan po ay may passion sa paghahabi.”

About the Author

Patricia Bermudez

Writer

Region 4A

Feedback / Comment

Get in touch