No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CFO, muling nagpaalala sa publiko laban sa mga fixers at scammers

Supilin ang fixers!
 
Ito ang isinusulong ngayon ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) na labanan ang fixers na ang tanging hangarin ay makapanloko at sumingil ng labis at hindi kinakailangang bayad.
 
Ano nga ba ang fixer?  


Ayon sa CFO, sila ay mga indibidwal o grupo na sinasamantala ang pangangailangan ng mga kliyente sa pamamagitan ng paniningil ng mataas na halaga kapalit ng registration slot o skedyul.
 
Noon, sila ay umaaligid lamang sa mga tanggapan ng pamahalaan at nag-aalok na mapabilis ang proseso ng mga dokumento ngunit may kapalit na halaga.
 
Ngayon, lume-level up na ang mga ito at social media na rin ang paraan upang makakuha ng mga parokyano.
 
Kaya naman, muling nagpaalaala ang CFO sa publiko na huwag tangkilikin ang mga alok na serbisyo ng mga fixer sa social media sites lalo na ngayong kumakalat ang mga post sa Facebook kung saan nag-aalok ang ilang mga fixer na sila na ang maglalakad ng CFO appointment slots ng kanilang mga kliyente kapalit ng transaction fee.
 
Ayon kay Ivy Miravalles, direktor sa Migrant Integration and Education Division ng CFO, ang CFO online appointment ay libre at pinayuhan ang publiko na huwag maniwala sa mga tao na nagsasabing makakakuha sila ng slot kapalit ng malaking halaga.
 
Dagdag pa ni Miravalles na ang pagpapakita o pagpapasa ng mga pekeng dokumento o pandaraya sa pagpaparehistro ay isang krimen.
 
Aniya, ilalapat ng CFO ang buong puwersa ng batas laban sa mga indibidwal na magpapakita ng mga pekeng dokumento gaya ng pasaporte, bisa, sertipiko ng kasal, atbp.
 
Ang ganitong gawain umano ay maaaring maging dahilan ng pagtanggi ng CFO na pahintulutan ang isang kliyente na magpatuloy sa kinakailangan proseso ng pagpaparehistro.
 
Dagdag pa niya, kukumpiskahin o sasamsamin ng CFO ang mga pekeng dokumento at idudulog ang kaso sa mga ahensiya na nagpapatupad ng batas para sa nararapat na mga aksyong legal.
 
Ngayon, ating kilalanin ang iba’t ibang mukha ng mga scammer at fixer na kailangan nating iwasan dahil puro kapahamakan lang ang kanilang dala.

Narito ang iba't ibang uri ng mga fixers at scammers na dapat iwasan ayon sa Commission on Filipinos Overseas.
  • Boy Hakot – Matinik sa pagkuha ng lahat ng online slots sa tulong ng maling teknolohiya. Ang modus pa niya ay ang paggamit ng iba’t ibang internet connection tulad ng mobile data para hindi ma-block ang IP address na gamit niya.


  • Juana Reserba – Loyalistang partner ni Boy Hakot. Siya ang promodizer ng Facebook account na Juana Reservations kung saan tinitinda niya ang mga nahakot na online slots ni Boy Hakot. Kunyaring tumutulong kuno sa iyo pero kung makahuthot ay wagas!


  • Dolomite Boy – Tambay sa Manila Bay at laging nakapuwesto sa gilid ng US Embassy malapit sa labasan ng mga kliyente. Simpleng lumalapit at nag-aalok ng CFO online appointment slot kapalit ng P4,500 kada tao (VAT included na raw). May group discount pang nalalaman kung makakahatak ka ng kasama.


  • Editing-in-Tandem – Mga photoshop experts na magaling mameke ng mga reservation slots. Sila ay nag-aalok ng pekeng “barcode” reservation na gawa-gawa lang nila. Sila rin ay nagbebenta ng “special registration link” kuno na hindi naman gumagana. Ang matindi – mga nawawala na lang sila na parang bula!


  • Tito Mo Yarn – Ang smooth at sweet talker na magaling magkunwarig kamag-anak mo na mag-aalok na sasamahan ka sa CFO. Bibigyan ka ng pekeng reservation at mang-iiwan na lang sa ere.


  • Mari-Theft – Gagamitin ang mga impormasyon at pangalan ng mga kumuha ng serbisyo nina Boy Hakot, Dolomite Boy, at iba pa para sa personal na transaksyon tulad ng loan o makapanloko ng iba pang tao.
     
    Hinihikayat ng CFO ang publiko na ipagbigay-alam ang mga ganitong iligal na transaksyon at makipag-ugnayan sa pamamagitan ng Facebook page ng CFO (www.facebook.com/CFOGovPH) o sa e-mail address nito na info@cfo.gov.ph o sa telepono bilang 8552-4700.
     
    Ang CFO ay naninindigan sa pagbibigay ng serbisyong may integridad at walang kinikilingan, may malasakit at katapatan sa lahat ng mga proseso at transaksyon, at alinsunod sa umiiral na batas at alituntunin.
     
    Kailangang maging listo, kaya huwag sumandal sa tuso.
     
    Dahil sa tamang paraan, lahat ay papaburan.
     
    Kaya huwag pa-fall sa peke, doon ka sa totoo! (JCR/AMB/PIA Pangasinan)
     
     
     
     
     

About the Author

April Bravo

Editor

Region 1

April M. Montes-Bravo is an Information Officer III of the Philippine Information Agency (PIA)-Region 1. She is currently the Information Center Manager of PIA Pangasinan Information Center based in Dagupan City and  regional editrix of PIA-Region 1.

Feedback / Comment

Get in touch