No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Ang inaasam na tahanan

Isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat tao ay ang ligtas at komportableng tahanan.
 
Madalas din sabihin, lalo na sa social media, na ito’y hindi lamang isang bahay – istruktura na may bubong at tulugan, ito rin ay maaaring kung saan man nararamdaman ang maluwag na paghinga, at pahinga tuwing napapagod sa realidad ng mundong ating ginagalawan.
 
Para sa mga residente ng Ilocos Sur na iniwang lubog sa pighati ng Bagyong Egay, ano nga ba ang ituturing nilang tahanan kung parehong ang bahay at sariling lugar na komportableng mahihingahan nila ay nilamon na ng kasuklam-suklam na sakuna.

Ang pansamantalang tirahan nila Aling Dionicia sa Vigan Regional Evacuation Center sa Barangay Ayusan Sur. PIA/ATV

Kasamang tinangay ng mapinsalang bagyo ang lahat ng gamit at buong tahanan na naipundar ni Aling Dionicia at ng kanyang asawa sa loob ng 38 taon na paninirahan sa lungsod ng Vigan. 
 
Kabilang ang kanyang pamilya, silang mag-asawa at kanyang apo, sa apat na pamilyang isang buwan pagkalipas ng masalimuot na pangyayari ay hindi pa rin makahanap ng ibang pansamantalang matitirhan.
 
Sa kasalukuyan ay nakatira ang apat na pamilya sa evacuation center sa Barangay Ayusan Sur. 
 
Lumipat sila rito mula sa Burgos Memorial School West na unang kumupkop sa kanila nang sila’y lumikas mula sa kanilang mga tahanan sa ilalim ng tulay sa Barangay Solid West. 
 
Nang lumikas ang kanilang mga pamilya at sila’y makarating sa mataas na bahagi, aniya ay mabilis na umakyat hanggang leeg ang lebel ng tubig sa iniwan nilang mga bahay. 

Naluluhang ibinabahagi ni Aling Dionicia ang kanilang sinapit sa bagsik ng Bagyong Egay.PIA/ATV

“Ket awanen ah [diay balayen], saankami mabalin nga agsubli didiayen gapo ta saan a mabalin pagiananen, saan mabalin a pagturoganen -naburburen (Wala na [iyong bahay namin], hindi na pwedeng tumira doon, hindi na pwedeng tulugan -nawasak na [ng bagyo],” mangiyak-ngiyak na kwento ni Aling Dionicia.
 
Liban sa ilang pagkakataon na naranasan ni Aling Dionicia ang bagsik ng kalikasan, ay ibinahagi niya na minsan din silang nasunugan ng bahay, at ito ngayon, ang pananalasa ng Bagyong Egay, ang pinakamatindi sa halos anim na dekada niya sa mundo.
 
Namamasukan bilang labandera si Aling Dionicia kahit pa siya’y may iniindang hika na dahilan kung bakit mabilis siyang mapagod. 

Ang kanya namang mister na na-stroke noon at ngayo’y hindi masyadong makapagtrabaho ay paminsan-minsan pa ring inaalok bilang drayber, na kanya namang tinatanggap dahil na rin sa kakulangan ng panggastos sa araw-araw.
 
Sa isang buong linggo ay pinagkakasya nilang tatlo ang P200 para sa kanilang pagkain.
 
Sagpaminsan ket saan kami mangan ti aldawen, bigat mangan kami ti tinapay tapos kape, ti rabii langen diay innapoy tapno agkanay (Minsan hindi na kami kumakain ng tanghali, sa umaga kumakain kami ng tinapay tapos kape, sa gabi na lang kami nagka-kanin para mapagkasya),” kwento niya.

Ngayong sila ay nasa evacuation, aniya ay malaking bagay ang mga natanggap nilang food packs, hygiene kits at sleeping kits mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of Civil Defense, at mga pribadong grupo. 
 
Kabilang din sila sa nabigyan ng tulong pinansyal mula sa iba’t ibang programa ng gobyerno kasama na ang Assistance to Individuals in Crisis Situation ng DSWD.
 
Sa kabuuan ay nabigyan sila ng P22,000 na ayon kay Aling Dionicia ay siyang pinagkukunan nila ngayon para sa araw-araw na gastusin.
 
Dito rin aniya kinuha ang pambili ng gamit sa eskwela ng kanyang apo para sa pasukan. 

Si Aling Dionicia, isa sa mga lubhang nasalanta ng bagyong Egay sa lungsod ng Vigan sa Ilocos Sur, habang inaalala ang naging karanasan. PIA/ATV

“Dakkel met a panagyamanmi kadagiti amin nga nangipaay ti tulong lalo iti city [government]. Narigat ti awan ti sarilina nga daga ken nga pagtaengan iso nga dumawdawat kami koma ti tulong kenni mayor ken kadagiti opisial ti gobierno ta sapay koma ta matulungan dakami (Malaking pasasalamat namin sa lahat ng nagpaabot ng tulong lalo na sa city government. Mahirap ang walang sariling lupa at bahay kaya gusto sana naming humingi ng tulong kay mayor at sa mga opisyal ng gobyerno na sana matulungan nila kami),” aniya. 
 
Nakakapanlumo ang iniwang pinsala ni Bagyong Egay, at maging sa kasalukuyan ay patuloy na kinakaharap ng bansa ang suliranin sa mga matitinding kalamidad.
 
Sa ngayon, nababahala man sa kinabukasan at hindi mapayapa maging sa pagtulog si Aling Dionicia, kasama ng mga kagaya niyang paulit-ulit sinusubok ng sakuna, nananatiling payak ang kanilang panaginip at ito’y ang inaasam na komportable at ligtas na tahanan.(JCR/AMB/ATV, PIA Ilocos Sur)

About the Author

Aila Villanueva

Writer

Region 1

Aila T. Villanueva is an Information Officer I of the Philippine Information Agency Ilocos Sur Information Center based in the Heritage City of Vigan.

Feedback / Comment

Get in touch