Upang magkaroon nang maayos na serbisyong pangkalusugan sa bansa, isang positibong hakbang ang pagsasabatas ng Universal Health Care (UHC) Law sa Pilipinas.
Sa ilalim nito, kung ikaw ay indirect member (walang kakayahang magbayad), hindi na kailangan ng Philhealth contribution. Ang gobyerno ang siyang magbabayad ng iyong kaukulang premium.
Ngunit kung ikaw ay direct member (may kakayahang magbayad), ito ay kailangan. Ang miyembro ang siyang magbabayad ng kaukulang premium.
Bilang miyembro ng PhilHealth, libre ang konsultasyon sa public health centers at may kaakibat na co-payment kapag nagpunta sa pribadong klinika. Kung naka-confine naman, walang babayaran kung naka-admit sa ward o basic na silid. Muli, may kaakibat na co-payment kapag nasa semi-private o private room.
Bagama't hindi lahat ng serbisyo ay magiging libre, layon ng UHC na mapababa ang gastusing medikal ng mga may sakit.
Sa pagdiriwang ng International Universal Health Coverage Day, ating alamin kung paano makatutulong ang UHC sa ating mga kababayan upang maasam ang Health for all.