No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Nueva Ecija, iniulat ang mga kasalukuyang inisyatibo kontra COVID-19

Nagpaabot ng pasasalamat si Governor Aurelio Umali sa lahat ng mga kawan ng pamahalaan at iba pang mga katuwang na tanggapan o indibidwal sa patuloy na pagbibigay solusyon sa epekto ng pandemiya. (Camille Nagaño/PIA-3)

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Iniulat ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang mga kasalukuyang inisyatibo nito laban sa pandemyang COVID-19.

Ayon kay Provincial Health Office Chief Josefina Garcia, naipamahagi at napakikinabangan na ng 32 bayan at siyudad ang ipinagkaloob na mga antigen testing kit at machine ng Kapitolyo.  

Ibinalita din niyang natanggap na ng pamahalaang panlalawigan ang abiso mula sa National Inter-Agency Task Force kaugnay sa binili nitong COVID-19 vaccine.

Aabot aniya sa 133,000 doses ang inorder na bakuna ng kapitolyo na magsisimulang dumating sa ikatlong linggo ng Hulyo.  

Binanggit din ni Garcia na nakapagsumite na ang probinsya ng plano sa balak nitong pagtatayo ng isang Molecular Testing Laboratory for COVID-19 and other Infectious Diseases sa San Jose City General Hospital.  

Ibinalita din niya ang kasunduan ng kapitolyo at mga pribadong funeral services sa lungsod ng Cabanatuan para sa libreng cremation at pagtulong sa mga higit na nangangailangang mamamayang nasawi dahil sa COVID-19.  

Bukod sa mga nabanggit na inisyatibo, ipinahayag din ni Garcia ang patuloy na pag-agapay sa mga local health offices sa mga bayan at siyudad na nagkukulang sa mga kawani dahil kinakailangang sumailalim sa quarantine.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Governor Aurelio Umali sa lahat ng mga kawani ng municipal at city health offices, gayundin sa mga kawani ng ospital, kapulisan,  at iba pang mga katuwang ng probinsya sa pagbibigay solusyon sa pandemya.

Siniguro din ng gobernador ang patuloy na mga inisyatibo laban sa COVID-19. (MJSC/CCN-PIA 3)

About the Author

Marie Joy Carbungco

Editor

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch