LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) --Aabot sa 14,699 tonelada ng sulfur dioxide mula sa Bulkang Taal ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado, Hulyo 3.
Ayon sa Phivolcs, ito ang pinakamataas na lebel ng sulfur dioxide emmission ng Bulkang Taal. Umabot naman sa 2,000 metro ang steam plumes na idinulot ng patuloy na pagsingaw ng volcanic gas nito.
Paliwanag ng Phivolcs, ang mataas na lebel ng sulfur dioxide ay maaaring masundan ng pagsabog ng bulkan gaya nang naganap na phreatomagmamatic eruption noong July 1. Senyales din anila ito ng patuloy na paggalaw ng magma sa Bulkang Taal kung saan posible pa rin ang pinangangambahang pagputok nito.
Iniulat din ng Phivolcs na maaari itong magdulot ng volcanic smog na makakaapekto sa mga lugar at residente sa paligid ng lawa ng Taal.
Nauna nang nagbabala ang Phivolcs kaugnay ng panganib sa kalusugan dulot ng sulfur dioxide. Ayon sa Phivolcs, ang panandaliang exposure sa sulfur dioxide ay maaaring magdulot ng hirap sa paghinga kung saan ang mga tao na may hika, lalo na ang mga bata ay madaling maapektuhan nito.
Kaya naman pinapaalalahanan ang publiko sa paligid ng Bulkang Taal na magsagawa ng kaukulang hakbang gaya ng pagsusuot ng N95 face mask gayundin ng proteksyon sa mata at balat.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal matapos itaas ang estado nito nang maganap ang isang phreatomagmatic eruption noong Hulyo 1. (FC, PI4A/Phivolcs)