Personal na dinalaw ni Mayor Isko Moreno ang mga nabakunahang essential worker sa mga pampublikong pamilihan sa kahabaan ng Recto. (Manila PIO)
LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila nitong Linggo ng gabi ang 'special' na bakunahan sa Recto para sa mga manggagawa ng mga pampublikong pamilihan.
"Itong special vaccination na ito, ginawa po namin ito sa Recto para sa mga trabahador na hindi makapunta sa vaccination site tuwing araw dahil kailangan maghanap buhay," sinabi ni Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa PIA-NCR.
Ani Mayor Isko, kabilang sa mga nabakunahan ang mga driver, pahinante, kargador, pedicab driver, kuliglig driver, vendor ng isda, gulay, karne, pati ang mga hindi taga-Metro Manila.
"Sinama natin dito ang mga kargador, driver, pahinante, pedicab driver, kuliglig driver, vendor ng isda, gulay, karne, mga nagbababa ng produkto, hindi lang sa Kamaynilaan pati na rin mula sa Northern Luzon, Central Luzon at Southern Luzon."
Ang bakunahan ay magtatagal mula 10 p.m. hanggang 5 a.m, ayon sa Manila Public Information Office. (PIO/PIA-NCR)