LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) --Patuloy ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa pamamahagi ng tulong para sa mga indibidwal at pamilyang apektado ng tumataas na aktibidad at pangamba ng pagputok ng Bulkang Taal.
Ayon sa ulat ng Batangas Provincial Information Office, magmula nang maganap ang phreatomagmatic eruption ng Bulkang Taal noong Hulyo 1 ay tuloy-tuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pamamahagi ng tulong gaya ng pagkain, hygiene kits, family tents, at beddings.
Kaugnay nito ay namahagi ngayong araw, Hulyo 4, ang pamahalaang panlalawigan sa pangangasiwa ng Provincial Social Welfare and Development Office ng mga relief goods sa bayan ng Agoncillo.
Nagkaloob din ito ng ilang mga kagamitan sa pagluluto na gagamitin para sa community kitchen sa bayan ng Agoncillo bilang tugon na rin sa hiling ng Municipal Social Welfare and Development Office ng naturang bayan upang agarang makapaghatid ng hot meals para sa mga evacuees.
Ayon pa sa Batangas PIO, nakahandang umarangkada sa Lunes, Hulyo 5, ang mobile community kitchen na gagamitin para sa pamamahagi ng mga pagkain sa mga evacuation centers.
Kasabay nang pagtaas ng estado ng Bulkang Taal sa alert level 3 ay agaran ring hiniling ni Gov. Mandanas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-proseso ng ₱10 milyong halaga ng pinansyal na tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).