LUNGSOD QUEZON, (PIA) -- Mas pinadali na ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang pagbibigay ng insentibo para sa mga fully vaccinated senior citizens ng lungsod.
Inanunsyo ng pamahalaang lungsod na maaari nang makuha ang gift certificate (GC) sa Activity Centers ng Glorietta 2 at Ayala Malls Circuit simula ngayong araw, July 5 hanggang July 10, mula 9 a.m. hanggang 4 p.m.
Paalala ng pamahalaang lungsod na dalhin ang original ID ng Blue Card o White Card ng Makati at ang original Vaccination Card. Magsuot din ng face mask, face shield at sumunod sa physical distancing.
Samantala, paalala ng pamahalaang lungsod na hindi kwalipikadong tumanggap ng GC ang seniors na nabakunahan sa ibang lugar.
Ang pagbibigay ng insentibo para sa mga fully vaccinated senior citizens ay naglalayong mas paigtingin pa ang kampanya na mapataas ang bilang ng mga residente na magpabakuna kontra COVID-19.
Para naman sa nais magparehistro para sa bakuna kontra COVID-19, pumunta lamang sa proudmakatizen.com. (MyMakati/PIA-NCR)