No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: PHO: 3 bayan sa OccMin,dumadami ang nais magpabakuna

PHO: 3 bayan sa OccMin, dumami mga nais magpabakuna

Ang pagdami ng mga nais magpaturok ng COVID-19 vaccines ay nangangahulugang batid na ng publiko ang proteksyong ibinibigay ng bakuna kontra sa nakakamatay na virus, ayon sa PHO. (PHO Occ Min)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Kinumpirma kamakailan ng Provincial Health Office (PHO) ang ulat na marami na ang gustong magpabakuna kontra COVID-19 sa tatlong bayan ng lalawigan – San Jose, Sablayan at Magsaysay.

Ayon kay Dr. Corazon Tamayo, Focal Person ng Provincial Vaccination Program, mismong mga lokal na pamahalaan ng nabanggit na mga munisipalidad ang nagpaabot sa kanila ng magandang balita. Aniya, nangangahulugan ito na nauunawaan na ngayon ng publiko ang kahalagahan ng bakuna bilang proteksyon sa malubhang epekto ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa isang panayam kay Dr. Ma. Teresa Tan, Provincial Health Officer, ay ipinaliwanag nitong ang bakuna ay karagdagang proteksyon kontra sa nakakamatay na virus. Mainam aniya na habang patuloy tayong tumatalima sa minimum public health protocols ay tiyakin din na makakapagbakuna. Gaya ng paulit-ulit na paalala ng Department of Health (DOH), Mask Hugas Iwas Plus BaKuna, ang pangunahing istratehiya para maiwasan ang impeksyong dala ng COVID -19.

“Ang pagbibigay ng bakuna sa ating mga mamamayan ay kabilang pa rin sa mga pinag-aaralan,” dagdag ni Dr. Tamayo. Kaya mainam aniya, na sakaling makaranas ng kakaibang epekto, bukod pa sa mga kadalasang nararamdaman matapos mabigyan ng COVID-19 vaccines, dapat itong i-report sa kinauukulan.

Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay nagpapatuloy naman ang bakunahan sa iba pang mga bayan ng lalawigan tulad ng Rizal at Sta Cruz. Sinabi ni Dr. Tamayo na ang mga tinuturukan ng bakuna ay ang mga kabilang sa A2 Priority Group (Senior Citizens) at A3 (mga may co-morbidities). (PIA/MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch