Ang pagsasagawa ng COVID-19 Mobile Vaccination Program sa iba’t ibang barangay upang mailapit sa mga mamamayan lalo na sa mga senior citizen ang libreng bakuna laban sa COVID-19. (Cabanatuan LGU)
LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Kaya ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan na dagdagan pa ang kapasidad para mas maraming mamamayan ang mabakunahan laban sa COVID-19.
Ayon kay City Health Officer Arminda Adecer, kung mayroon o maraming darating na suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa siyudad ay nakahandang magdagdag ng kapasidad ang tanggapan nang mas maraming mamamayan ang mabakunahan.
Hangad aniya ng pamahalaang lokal na mas marami pang bakuna ang dumating sa lungsod upang maibigay sa mga nasasakupang mamamayan partikular para sa mga economic frontliners na na-eexpose sa paglabas ng tahanan dahil kinakailangang maghanapbuhay.
Sa kasalukuyan ay mayroong pitong vaccination team ang Pamahalaang Lungsod ng Cabanatuan na umaabot sa 700 hanggang 800 ang bilang ng mga indibidwal na nababakunahan sa isang araw.
Ibinalita din ni Adecer na patuloy ang kanilang pagdaragdag ng mga kagamitan na kailangan sa vaccination center gaya ng ultra low temperature freezer at iba pa.
Kaugnay nito ay nagbigay abiso ang pamahalaang lungsod na pansamantalang maaantala ang pamamahagi ng unang dose ng COVID-19 vaccine dahil sa kakulangan ng suplay ng bakuna.
Gayunpaman ay patuloy ang pagbibigay ng pangalawang dose para sa mga naunang nabakunahan na kabilang sa A1 hanggang A3 priority group na mga healthcare worker, senior citizen at may comorbidity na mamamayan.
Pang-unawa ang hiling ng pamahalaang lokal na sisiguruhing agad na magpapamahagi muli ng unang dose ng bakuna sa sandaling mayroon nang dumating na suplay.
Wala aniyang dapat na ikabahala ang mga kababayang nakatanggap ng unang dose ng bakuna laban sa COVID-19 dahil siguradong mayroong makukuhang pangalawang dose na commitment ng Department of Health.
Kung malapit na aniya ang nakatakdang araw ng pagtanggap ng pangalawang dose ay maaaring tumawag o makipag-ugnayan sa mga hotline number ng vaccination center na 09985002710, 09985002732, 09985002736 at 09985002738.
Ayon pa kay Adecer, kung nakatanggap na ng unang dose ng bakuna gaya ng Sinovac ay mayroon nang 70 hanggang 80 porysentong proteksyon ang katawan laban sa malalang epekto ng COVID-19 gayunpaman ay layunin ng ikalawang dose na madagdagan at tumaas pa ang benepisyong proteksyon ng bakuna. (CLJD/Camille C. Nagano-PIA 3)