LUNGSOD NG CALAMBA, Laguna (PIA) --Binisita ni Department of Health Secretary Francisco Duque III kamakailan ang Plaza Elena at Pook Elementary School na nagsisilbing evacuation sites sa Agoncillo, Batangas upang manguna sa isinagawang ceremonial vaccination.
“Alam naman po ninyo napakahalaga ang proteksyong taglay ng bakuna na inangkat po ng inyo pong pamahalaang nasyonal at malaking pondo po ang ginamit para siguraduhing na ang mga bakunang ito ay libre. Ang mga bakunang ito ay ligtas at tanging epektibo laban sa COVID-19.” ani Sec. Duque.
Binigyang-diin ni Sec. Duque ang kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19 at hinikayat ang lahat na nasa evacuation site na hindi pa bakunado na magpakuna para sa kanilang proteksyon.
Isa sa mga nakatanggap ng kanyang unang dosage ng bakuna si Agoncillo Mayor Daniel Reyes na binakunahan ni Sec. Duque.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Sec. Duque sa lahat ng bakunador kabilang na ang mga doctor, nurse at volunteers na tumutulong upang maisakatuparan ang programang ito na naganap Hulyo 5.