No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Model farm ng mga Dumagat inilunsad

NORZAGARAY, Bulacan (PIA) -- Pormal nang inilunsad ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster o PRLEC ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang model farm ng mga Dumagat.

Matatagpuan ito sa kanilang ancestral domain na nasa Sitio Sapang Munti na nagkakanlong sa Ipo Dam sa barangay San Mateo sa bayan ng Norzagaray sa Bulacan.

Sinabi ni Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Provincial Director Jovencio Ferrer na bukod sa pagbibigay ng tuluy-tuloy na kabuhayan layunin nito na maging suplayer ng iba’t ibang gulay ang mga katutubong Dumagat sa Kadiwa ng Department of Agriculture o DA at sa mga mall.

Hindi aniya maaring ang itinanim at itatanim pang mga gulay ay magiging ulam na lamang na mauubos kalaunan.

Kinakailangan aniyang mas maparami pa ang mga gulay at maging pangmatagalang kabuhayan upang hindi sila umaasa sa mga nagbibigay.

Bilang panimula, ang dating tiwangwang na 2,000 square meters na lupain sa Sitio Sapang Munti na nasa likuran ng Ipo Dam ay ginawang Model Farm na ngayo’y natataniman na ng mga high value commercial crop gaya ng talong, kamatis, sitaw, calamansi, gabi at okra.

Naglatag ng 1.3 kilometrong mga tubo ang TESDA upang makakuha ng tubig sa pinakamalapit na batis na magsusuplay ng pandilig at inumin para sa nasabing model farm.

Pinapatakbo ito ng enerhiyang Solar na ipinagkaloob din ng nasabing ahensya na nangunguna sa PRLEC.

Kasabay ng pabubuo sa model farm, sinanay ng TESDA ang may 20 mga katutubong Dumagat sa wastong pagtatanim at pag-aalalaga ng gulay na hindi kailangang gumastos.

Nang matapos ang pagsasanay, pinagkalooban sila ng Certificate of Completion sa larangan ng Produce Organic Concoctions and Extracts.

Susundan naman ito ng isa pang pagsasanay upang makatamo sila ng NC II sa kursong Organic Agriculture Production.

Bilang resulta, matagumpay nilang naitanim, nabuhay at napabunga nang marami ang mga binhing ipinagkaloob ng DA sa ilalim ng Plants-Plants-Plants program.

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, tinutukan nila nang husto ang pagtatanim at pagpapalaki ng mga itinanim na gulay ng mga Dumagat para matiyak na hindi masasayang ang ibinigay na binhi ng DA, mga kasanayang ipinagkaloob ng TESDA at upang tunay na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.

Magiging pamantayan ang model farm na nasa Sitio Sapang Munti ng iba pang mga farms na planong gawain sa mga natukoy na ancestral domain na nasa loob ng 6,600 na ektaryang Ipo Dam.

Kaugnay pa rin ng pagpapalakas sa kabuhayan ng mga katutubong Dumagat, tinutukan naman sa Sitio Santol sa barangay San Mateo pa rin ang larangan ng poultry para sa may 50 benepisyaryo.

Nasa 100 mga ulo ng manok at 50 ulo ng bibe ang ipinagkaloob sa kanila ng DA habang buwan-buwan silang sinusuplayan ng TESDA ng tig-iisang sako ng patuka para sa kanilang mga alaga na nagkakahalaga ng 5,020 piso.

Ayon kay TESDA Regional Director Balmyrson Valdez, plano ng PRLEC na itambal ang sisimulang poultry livelihood program sa Sitio Santol sa binuksang model farm ng Sitio Sapang Munti, kapag umarangkada na ang pagsusuplay sa Kadiwa ng DA.

Ang Kadiwa ay pamamaraan ng DA upang direktang makapagtinda ang mga nagsipagtanim ng mga aning gulay, at karne mula sa mga nag-alaga ng manok sa presyong malaki ang kikitain.

Sinabi pa ni Ferrer na kausap na nila ang malalaking mall sa Bulacan upang makapasok din ang mga gulay na tanim ng mga Dumagat

Ang sistema, tumutulong ang Cooperative Development Authority na makapagbuo at makapagtatag ng kooperatiba ang mga Dumagat upang matiyak na hindi masasayang ang kikitain sa model farm at poultry.

Iba pa rito ang halos linggu-linggong binibisita ng PRLEC upang masubaybayan ang mga benepisyaryo kung nakakatupad. 

Samantala, nangako si Gobernador Daniel Fernando na popondohan ng pamahalaang panlalawigan ang konstruksyon ng water and sewerage facilities, kasama na ang mga palikuran sa nasabing mga sitio ng San Mateo upang magamit ng mga katutubo para sa kanilang personal na sanitasyon. (CLJD/SFV-PIA 3)

Pormal nang inilunsad ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang model farm ng mga Dumagat. (Shane F. Velasco/PIA 3)

About the Author

Shane Velasco

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch