
Ang Person Deprived of Liberty (PDL) na si Homer (di tunay na pangalan) ay nagsilbing tagapagsanay sa mga benepisyaryo ng weaving fish net training (larawan mula sa IPPF PIO)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Isinagawa ang weaving fishing net training o pagtahi ng lambat para sa ilang miminim security inmates ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City kamakailan.
Sa panayam ng PIA-Palawan kay Correction Technical Officer II at IPPF spokesperson Levi Evanglista, sinabi niya na isa lamang ito sa mga ‘reformation program’ ng ahensiya sa pamumuno ni IPPF Chief Superintendent Joel Calvelo.
"Napakalahaga nito sa ating mga Person Deprived of Liberty (PDL) kasi nalilibang sila sa mga ganitong proyekto, na kahit maliit lang ay lumilipas ang kanilang oras para sa mga makabuluhang bagay," ani Evangelista.
Aniya, habang nakapiit pa, magagamit lamang ng mga pdl ang kanilang mga lambat sa panghuhuli ng isda sa mga fish pond na ginawa ng IPPF, ito ay para matiyak na hindi sila tatakas at maging ang kanilang seguridad.
Ayon pa kay Evangelista, ginawa nila ang ganitong pagsasanay para ihanda ang mga PDL dahil kung sakaling sila ay makalaya na sa piitan ay magagamit nila ang kanilang natutunan sa kanilang pamumuhay sa komunidad.
Samantala, nagsilbing tagapagsanay naman ng mga partispante ang isang PDL na may talento sa pagtahi ng lambat, habang ang mga kagamitan tulad ng nylon at iba pa ay sinagot ng IPPF.
Ang mga PDL na nasa miminum security compound ay kuwalipikado nang mabigyan ng parole kung maaabot at makumpleto nila ang mga dapat na tuparin para tuluyan na silang makalaya.(MCE/PIA Mimaropa)