LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Nakapagtala ang lalawigan ng Bulacan ng 96 porsyento ng paggaling sa COVID-19.
Sa ginanap na ika-11 Joint Meeting of the Response, Law and Order, and Recovery Clusters ng Provincial Task Force on COVID-19, iniulat ni Response Cluster Head Hjordis Marushka Celis na 39,227 sa kabuuang 40,922 kumpirmadong kaso sa lalawigan ang gumaling na.
Dalawang porsyento o 815 ang nananatiling aktibo, at ang dalawa porsyento din o 880 ang nasawi.
Sa bilang ng aktibong kaso, 63 lamang ang admitted, 628 ang naka home quarantine at 124 ang nasa iba’t ibang quarantine facilities.
Nasa 46 porsyento rin ang ibinaba ng average daily cases.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ang mabilis na pagkilos at paghahanda ang naging daan upang mapagtagumpayan ang laban sa pandemya ng COVID-19.
Kabilang anya sa mga hakbangin isinagawa ng pamahalaan panlalawigan ang agad na pagtatayo ng Bulacan Infectious Control Center o BICC, pagkakaroon ng Bulacan Molecular Diagnostic Testing Laboratory, GeneXpert Laboratory at pagtugon sa Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate strategy na kinilala ng Inter Agency Task Force bilang isa sa sistematikong pagtugon ng mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Sa huli, pinasalamatan ng punong lalawigan ang mga health worker, frontliner, at lahat ng Bulakenyo para sa kanilang pagsunod sa mga health protocol na nagbunsod ng patuloy na pagbaba ng mga kaso. (CLJD/VFC-PIA 3)
Ika-11 Joint Meeting ng Response, Law and Order, and Recovery Clusters ng Bulacan Provincial Task Force on COVID-19 (Vinson F. Concepcion/PIA 3)