TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) - - Binigyang diin ng Department of Trade and Industry (DTI) Region 2 na hindi dagdag na pahirap ang Safety Seal Certification Program sa mga negosyante, bagkus ito ay isang insentibo sa pagbangon ng kanilang nesgosyo sa gitna ng pandemiya.
Inihayag ni Regional Director Leah Pulido-Ocampo na ang Safety Seal ay batayan ng mga mamamayan kung ang mga lugar ng kalakalan ay sumusunod sa itinakdang health protocols at ligtas ito na punatahan.
"Ito ang magbibigay kumpiyansa sa mga konsumer upang tangkilikin ang mga negosyo, at sa gayong paraan, mabibigyan ng sigla at pag-asa ang mga negosyo, gayundin ang ekonomiya,"ani Ocampo.
Sa isang virtual forum, tinalakay naman ni Mel Mari Angelo Laciste, DTI technical assistant, ang mga basehan sa pagsuri kung ang isang aplikante ay sumusunod sa minimum public health protocols.
Ipinaliwanag niya na ang bawat pamantayan na nakasaad sa checklist, gayundin ang kahalagahan ng mga ito, ay hindi lamang para sa kanilang Safety Seal application kundi para mas mapalawig pa ang mga hakbang sa pag-iwas sa COVID-19.
Nagbigay naman ng mga panuntunan si Mar Anthony Alan, senior trade and industry specialist, kung paano gamitin ang DTI Safety Seal Microsite.
Kasabay nito ay ang step-by-step instruction sa pag-apply at ang mga dapat isumiteng mga requirement, pati na rin ang application process sa StaySafe.ph na siyang pangunahing contact tracing application na inilunsad ng gobyerno.
Ayon naman kay Atty. Cyrus Restauro, legal officer, sa patuloy na paghihikayat ng DTI sa mga negosyante na mag-apply ng kanilang Safety Seal ay nakitang tumataas na ang bilang ng mga nagsumite ng kanilang aplikasyon.
Inaasahan na magiging matagumpay na hakbang ang nasabing programa para maiwasan ang hawaan ng virus sa mga lugar-kalakalan at hindi na rin madadagdagan ang kaso ng COVID-19 sa Rehiyon Dos. (MDCT/JKC/OTB/PIA Cagayan/Karagdagang impormasyon mula sa DTI)