LUNGSOD CALOOCAN, (PIA) -- Ang mga lungsod ng San Juan, Maynila, Mandaluyong, at Navotas ang nangunguna sa National Capital Region (NCR) kapag pagbabasehan ang COVID-19 first dose vaccination output mula nang magsimula ang bansa sa pag-deploy ng mga bakuna noong Marso.
Batay sa datos na nakalap ng PIA-NCR, ang San Juan ang nakasungkit sa unang puwesto ng pinakamaraming nabakunahan na bagama't pangalawang pinakamaliit na local government unit (LGU) sa NCR base sa populasyon nito na 122,200, ay umabot sa may 78,892 indibidwal ang nakatanggap na ng kanilang unang dosis hanggang sa ika-4 ng Hulyo, o 92.38 porsyento ng target na populasyon na 85,400. Pinangasiwaan din nito ang 19,637 dosis para sa ikalawang dosis.
Pumangalawa ang Lungsod Maynila na nagbakuna ng 638,427 indibidwal ng unang dosis, o 79.9 porsyento ng target na populasyon na 800,000. Ito'y sa kabila nang ang siyudad ang may pinakamaraming bilang ng populasyon sa mga LGUs sa NCR. Nitong ika-6 ng Hulyo, bilang karagdagan, 167,861 indibidwal na ang buong nabakunahan pagkatapos matanggap ang kanilang pangalawang dosis o 21 porsyento ng target na populasyon.
Ang Pateros, ang pinakamaliit na LGU sa Metro Manila base sa population at population density, ay nakasungkit ng pangatlong puwesto na may 35,015 na nabakunahan ng first dose na ibinibigay noong ika-6 ng Hulyo, o 71.46 porsyento ng target na populasyon na 49,000. Isang kabuuan ng 6,769 indibidwal ay nakatanggap ng kanilang pangalawang dosis.
Ang Mandaluyong ay nasa pang-apat na puwesto, na nagtala ng 191,655 vaccine first dose hanggang ika-3 ng Hulyo, o 58.97 porsyento ng 325,000 target na populasyon.
Ang Navotas ay pumanglima sa bilang na 88,192 indibidwal na nakakuha na ng kanilang unang dosis hanggang ika-3 ng Hulyo, o 58.8 porsyento ng target na 150,000 residente.
Nakuha naman ng Marikina ang ikaanim na puwesto na may 172,296 katao ang naturukan ng unang dosis noong ika-2 ng Hulyo, o 50.34 porsyento ng target na 342,200.
Ang Pasay ay nasa ikapitong puwesto na nagkamit ng 136,182 na indibidwal ang unang nabakunahan hanggang ika-5 ng Hulyo, na katumbas ng 43.9 porsyento ng target na populasyon na 310,000.
Sa ikawalong puwesto ay ang Las Piñas, na nagtala ng 195,893 na mga indibidwal na naturukan ng unang dose hanggang ika-3 ng Hulyo, na nasa 43.8 porsyento ng target na 447,040.
Ang Paranaque ay nasa ikasiyam na puwesto na may 194,623 katao na unang nabakunahan hanggang ika-2 ng Hulyo, o 43.5 porsyento ng target na populasyon na 446,923.
Ang Taguig ang ikasampu, na nagtala ng 275,168 na mga indibidwal noong ika-3 ng Hulyo, o 40.46 porsyento ng target na 680,000 na katao. (PIA-NCR)