No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: Kaso ng COVID-19 sa evacuation center sa Batangas, agarang tinugunan ng lokal na pamahalaan

LUNGSOD NG BATANGAS, Hulyo 13 (PIA) --Dalawang kaso ng nagpositibong indibidwal na parehong nakatigil sa magka-ibang evacuation center ang naitala sa lalawigan ng Batangas Hulyo 12.

Base sa tala ng Provincial Health Office, naiulat sa kanilang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Balayan ang kaso ng isang buntis na evacuee mula sa Agoncillo. Ito ay sumailalim sa RT-PCR testing dahilan sa kabuwanan na at kinakailangan ang test bilang requirement bago manganak.

Sa resulta ng pagsusuri, lumabas positibo ito sa nasabing test kung kaya’t agad ini-isolate at dinala sa San Juan District Hospital habang isinasagawa ang contact tracing para sa lahat ng mga nakahalubilo nito sa evacuation center.

Natukoy na nasa 12 katao ang nakahalubilo ng nagpositibo at sasailalim ang mga ito sa antigen testing ngayong araw.

Ang ikalawang kaso ng nagpositibo ay isang senior citizen na kasalukuyang nanunuluyan sa evacuation center sa bayan ng Agoncillo.

Napag-alaman na isang linggo matapos mabigyan ng unang dose ng COVID-19 vaccine, ang senior citizen ay nagkaroon ng mga sintomas tulad ng ubo at sipon at ng sumailalim sa antigen testing ay nagpositibo ito.

Agarang isinagawa ang isolation ng indibidwal at kumilos ang lokal na pamahalaan upang tukuyin ang mga naging closed contacts at isailalim sa testing.  Lumabas namang negatibo ang resulta ng isinagawang pagsusuri sa mga ito.

Samantala, nagsagawa naman ng disinfection ang lokal na pamahalaan ng Agoncillo sa kanilang mga tanggapan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

About the Author

Mamerta De Castro

Writer

Region 4A

Information Officer III at PIA-Batangas

Feedback / Comment

Get in touch