LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- Tuluy-tuloy sa pagseselyo ng Safety Seal ang Department of Trade and Industry o DTI sa mga pribadong establisemento sa Bulacan na umabot na sa 47.
Sinabi ni DTI Provincial Director Edna Dizon na sa bisa ng Joint Memorandum Circular No. 21-01, ang Safety Seal Certification ay isang voluntary certification kung nais ng isang establisemento na maselyohan upang matiyak na pasado ito sa mga minimum health protocols.
Partikular na tinukoy na nasa ilalim ng mandato ng DTI na maselyohan ng Safety Seal ang mga department stores, groceries, membership shopping club, convenience stores, hardwares or construction supply stores, logistics service providers, barbershops and salons at ang mga service at repair shops.
Kabilang sa mga establisementong may Safety Seal na ay ang Robinson’s Place-Malolos, CDO Foodstore-Meycauayan, Vista Mall-Malolos, Vista Mall-Santa Maria Megamart-Plaridel, SM Supermarket-San Jose Del Monte, Wilcon Depot-Calumpit, San Ildefonso Sanford Marketing Corporation, RCS Eastern Intertade Corporation-San Miguel, Toyota-San Jose Del Monte, Bulacan Sanford Marketing Corporation, Graceland-Malolos, Save More Supermarket-Plaridel at ang Waltermart-Malolos.
Binigyang diin ni Dizon na pangunahing dahilan ng pagkaka-apruba sa nasabing mga establisemento ay mayroon silang mga pasilidad na gumagana para sa StaySafe.ph.
Ito ang sistema na isinusulong ng Department of the Interior and Local Government upang makapagrehistro ang mga kliyente na pumapasok sa mga establisemento.
Isang contact-less contact tracing system ito na ipapakita lamang ng isang kliyente ang kanyang Quick Response Code sa pamamagitan ng pag-top o pag-scan, sa halip na humawak ng ballpen at sumulat ng mga personal na impormasyon sa papel.
Sa kasalukuyan, nasa 77 pang mga establisemento ang nagsusumite ng aplikasyon upang maselyohan ng Safety Seal.
Kaya naman hinikayat ng DTI Bulacan ang iba pang mga establisemento na magsumite rin ng mga aplikasyon sa dti.gov.ph/safetyseal. (CLJD/SFV-PIA 3)