No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tagalog News: DOH-CHD XII patuloy ang paghihikayat sa mga senior citizen na magpabakuna vs COVID-19

LUNGSOD NG COTABATO ((PIA)—Patuloy ang ginagawang paghihikayat ng Department of Health-Center for Health Development o DOH-CHD XII sa mga senior citizen, bilang mga high risk individual, na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ito ang binigyang-diin ni Dr. Edvir Jane Montañer, regional immunization program manager ng DOH-CHD XII kaugnay sa ipinalabas kamakailan na memorandum ng ahensya tungkol sa tinatawag na Tutok A2 strategies.

Ayon kay Montañer, mahalagang maprotektahan laban sa COVID-19 ang mga matatanda dahil maaari silang matamaan ng mas malalang uri ng nabanggit na virus. Sinabi niya na pwedeng magpalista sa mga health center upang magpabakuna. Sa mga hindi naman makapunta sa mga vaccination hub, pwedeng makipag-ugnayan sa mga health worker upang mabigyan ng bakuna ang mga senior citizen sa kani-kanilang mga bahay.

Sa Hulyo 12, 2021 na tala ng DOH-CHD XII, abot sa 321,870 senior citizen ang target na mabakunahan sa rehiyon. Abot naman sa 63,523 ang nabakunahan na ng kanilang first dose as of July 12, 2021. Sa nasabing bilang, 27,359 pa lamang ang nakakuha ng second dose.

Samantala, nitong Miyerkules ay abot sa 45,700 dose ng Astrazeneca vaccine at 2,400 dose ng Sputnik V vaccine ng Gamaleya ang dumating para sa Rehiyon Dose. Ang mga bakuna ay inaasahang ipamamahagi sa mga lungsod at lalawigan sa susunod na linggo. Ito ay laan para sa mga indibidwal sa ilalim ng A1 hanggang A3 priority groups.

About the Author

Shahana Joy Duerme-Mangasar

Writer

Region 12

Feedback / Comment

Get in touch