Ang mga pagsasanay para sa mga maliliit na manggagawa o negosyo na isinasagawa ng DTI-Palawan. (Larawan mula sa DTI-Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Patuloy ang isinasagawang pagtulong ng Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan sa mga maliliit na manggagawa o negosyo sa pamamagitan ng mga pagsasanay upang magkaroon ang mga ito ng pagkakakitaan sa kabila ng pandemya.
Ang pagsasanay na ito ay sa ilalim ng programang Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB), kung saan pagkatapos ng pagsasanay ay binibigyan pa ng DTI-Palawan ng mga kagamitan ang mga kalahok.
Ngayong Hulyo, ang mga naipatupad nang pagsasanay ng DTI-Palawan ay ang Skills Training on Eco Box Packaging Making, kung saan 10 local basket weavers mula sa Bgy. Malihud at Bono-bono sa Bayan ng Bataraza ang nabiyayaan nito. Ito ay pinangasiwaan ng Negosyo Center Bataraza, sa pakikipagtulungan na rin ng Lokal na Pamahalaang Bayan.
Sampung banana farmers at processors naman sa Bgy. Iraray, Sofronio Española ang nabigyan ng pagsasanay sa Banana Chips Processing. Ito naman ay sa pangangasiwa din ng Negosyo Center Sofronio Española katuwang ang Lokal na Pamahalaang Bayan at ang Palawan State University (PSU) sa nasabing bayan.
Samantala, 10 kababaihan naman sa Bgy. Bahile sa Lungsod ng Puerto Princesa ang sinanay sa Kakanin Making.
Ayon sa pahayag ng DTI-Palawan sa kanilang Facebook page, ang mga benepisyaryo ng pagsasanay ay binigyan nila ng starter kits o kagamitang naaayon sa kanilang pinag-aralan upang makapagsimula agad sila ng kanilang negosyo at nang sa gayun ay magkaroon ng kita at nang mabawasan ang epekto ng pandemya sa kanilang buhay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)