Isa sa mga binisita ng grupo ni Rodenas ang Looc Bay Refuge and Marine Sanctuary sa bayan ng Looc na kilala sa magagandang klase ng isda na makakasama mo kapag maliligo rito. (Larawan mula sa Looc PIO)
ODIONGAN, Romblon (PIA) -- Inaasahang maglulunsad sa mga susunod na buwan ang Provincial Tourism Office ng Romblon ng tourism website ng probinsya.
Kaugnay nito, ang opisina ng Provincial Tourism Office sa pangunguna ni Sandi Patti G. Rodenas ay nag-iikot na sa iba't ibang tourism spots sa probinsya upang kamustahin ang kalagayan ng lokal na turismo sa mga ito.
Isa sa mga binisita ng grupo ni Rodenas ang Looc Bay Refuge and Marine Sanctuary sa bayan ng Looc na kilala sa magagandang klase ng isda na makakasama mo kapag maliligo dito.
Bumisita rin sila sa iba pang pasyalan sa nabanggit na bayan upang kumuha rin ng mga litrato at video.
Sinabi pa ni Rodenas na pinaghahandaan na ng pamahalaang lalawigan ang muling pagbabalik ng turismo sa probinsya kung sakaling lumuwag na ang mga protocols ngayong patuloy na tumataas ang bilang ng mga tumanggap na ng bakuna laban sa Covid-19. (PJF)