CALAMBA CITY, Laguna (PIA) --Sinisikap ngayon ng pamahalaang lungsod ng Calamba na mapataas ang bilang ng mga residente na nababakunahan kada araw upang makamit ang herd immunity sa lungsod.
Sa programang Radyo Calambeño, inihayag ni Calamba City Health Officer Dr. Adelino Labro na target ng pamahalaang lungsod na makapgbakuna ng 4,000 indibidwal kada araw alinsunod na rin aniya sa itinatakda ng Department of Health.
Upang mapabilis ang pagbabakuna at mas maraming indibiwal ang mabakunahan ay tatlong vaccination site ang binuksan ng pamahalaang lungsod. Kabilang dito ang SM City Calamba kung saan prayoridad ang mga senior citizens, Global Medical Care Hospital Canlubang, at Calamba Doctor’s Hospital.
Ayon pa kay Dr. Labro, bagaman sinisikap ng pamahalaang lungsod na makamit ang target na 4,000 daily vaccination rate ay naka-depende pa rin umano ito sa supply ng bakuna at kapasidad ng kanilang vaccination teams.
Batay sa datos na inilabas ng Calamba City Health Office, as of July 17 ay aabot na sa 42,553 ang kabuuang dose ng mga bakuna na naiturok nito sa mga residente ng lungsod na kabilang sa mga prayoridad na grupo.
Iniulat din nito na 5,386 na mga residente na ang fully vaccinated o nakatanggap na ng kumpletong dose ng bakuna habang 37,167 pa ang naghihintay ng kanilang second dose.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga indibidwal na makakatanggap ng ikalawang dose sa pagdating ng karagdagang supply ng bakuna mula sa pamahalaang nasyunal.
Nananawagan naman si Dr. Labro sa mga Calambeño na magpabakuna na bilang dagdag na proteksiyon laban sa nakahahawang sakit na COVID-19.
“Nananawagan ako sa lahat ng mga taga-Calamba na sana ay magpabakuna na. Sa ngayon ay marami po tayong bakuna na natanggap sa DOH at samantalahin po natin na magpabakuna hangga’t marami po tayong bakuna na available ngayon,” pahayag ni Dr. Labro.
Sa ngayon ay prayoridad pa rin ang pagbabakuna sa mga healthcare workers, senior citizens, persons with comorbidities, essential workers, at indigent population na kabilang sa A1 hanggang A5 category.