LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) -- May 485,226 Bulakenyo na ang nabakunahan kontra COVID-19.
Sa huling tala ng Provincial Public Health Office, nasa 335,153 ang nakatanggap na ng unang dose o may katumbas ng 12 porsyento ng eligible na populasyon sa lalawigan samantalang 150,073 o limang porsyento naman ang naka-kumpleto na ng pangalawang dose.
Sa A1 priority group o mga healthcare worker, 42,758 ang naibakuna sa first dose at 31,432 naman sa second dose. Sa A2 priority group o mga senior citizen, 123,704 ang naibakuna first dose habang 49,783 sa second dose.
Sa A3 priority group o mga persons with comorbidities, 90,089 ang naibakuna sa first dose habang 44,581 sa second dose. Sa A4 priority group o mga economic frontliner, 80,371 ang naibakuna sa first dose at 22,371 sa second dose.
At panghuli sa A5 priority group o indigent population, 126 ang naibakuna first dose habang 11 sa second dose.
Sa ginanap na ika-12 Joint Meeting of the Response, Law and Order and Recovery Clusters of the Provincial Task Force on COVID-19, ipinag-utos ni Gobernador Daniel R. Fernando na paigtingin ang pagpapatupad ng Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate Strategy bilang paghahanda sa Delta variant.
Naniniwala si Fernando na maganda ang laban ng lalawigan sa pagtugon sa COVID-19 at nais niyang palakasin ang ipinatutupad na mga istratehiya dahil ayon sa mga pag-aaral, ang Delta variant ang pinakanakakahawang bersyon ng sakit sa kasalukuyan.
Sinabi naman ni Provincial Task Force Response Cluster Head Hjordis Marushka Celis na dapat na nakapokus ang istratehiya ng lalawigan sa pagsiguro na nakahanda ang healthcare system kahit ano pa man ang klasipikasyon ng community quarantine upang mapaghandaan ang posibleng pagtaas ng kaso. (CLJD/VFC-PIA 3)