No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mga kawani ng PGNE, sinimulang bakunahan laban sa COVID-19

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) -- Sinimulan nang bakunahan laban sa COVID-19 ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija.
 
Ayon kay Governor Aurelio Umali, dumating na ang unang batch ng AstraZeneca COVID-19 vaccine na binili ng kapitolyo.
 
Aniya, nakapaloob sa nilagdaang tripartite agreement ng pamahalaang panlalawigan, Department of Health at AstraZeneca Pharmaceuticals Inc. ang pagbili ng 300,000 doses ng bakuna na mapakikinabangan ng 150,000 Nobo Esihano.
 
Dumating noong nakaraang linggo ang 960 vials ng AstraZeneca na katumbas ay 10,500 doses.
 
Pahayag ng gobernador, ito ay patunay lamang na seryoso ang kapitolyo sa mga isinusulong na hakbang upang mabigyang solusyon ang pandemya.
 
Aniya, kinakailangang magtulungan kasama ang pamahalaang nasyonal na ginagawa ang lahat ng makakaya upang maabot ang herd immunity ng bansa.
 
Kaugnay nito ay nagpaabot ng pasasalamat si Umali sa kasalukuyang tagapamuno ng bansa na patuloy ang pagkakaloob ng mga libreng bakuna.
 
Nanawagan din si Umali sa mga lokal na pamahalaan na may kakayahang tumulong at sumuporta sa adhikain ng gobyerno nasyonal upang maraming mamamayan ang mabakunahan laban sa COVID-19.
 
Kaniya ding ipinahayag na bukod sa humigit 3,000 kawani ng kapitolyo ay kabilang sa mga mabibigyan ng bakuna ang mga guro at iba pang sektor na kinakailangan nang mabakunahan sa lalawigan upang maibsan ang dalahin ng pamahalaang nasyonal laban sa pandemya. (CLJD/CCN-PIA 3)

Sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang pagbibigay ng libreng bakuna laban sa COVID-19 sa lahat ng mga nasasakupang kawani. (Provincial Government of Nueva Ecija)

About the Author

Camille Nagaño

Writer

Region 3

Feedback / Comment

Get in touch