LUNGSOD NG COTABATO (PIA)—Nilagdaan kamakailan ng Ministry of Environment Natural Resources and Energy ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MENRE-BARMM) at lokal na pamahalaan ng Parang, Maguindanao ang kasunduan upang protektahan at pangalagaan ang Nituan River sa Barangay Nituan sa nasabing bayan.
Ang kasunduaan ay partikular na nilagdaan nina MENRE Chief Environment Management Specialist (EMS) Engr. Amier Ashan Aplal at Senior EMS Mahid Gayak kasama sina Barangay Chairman Precious Johanney Biruar at Municipal Planning and Development Coordinator May Quesada.
Ito ay may kaugnayan sa pagpapatupad ng Adopt-an-Estero program ng MENRE na magkatuwang na ipinatutupad ng ministry, mga komunidad, donor-partner, lokal na pamahalaan, at mga ahensya ng gobyerno.
Layunin ng programa na linisin ang basura, debris, at silt sa mga estero, pakilusin ang mamamayan na malapit sa estero para sa mga clean-up activity, at ihanda at ipatupad ang mga plano para sa pagpapanatili ng kalinisan ng mga estero at iba pang mga anyong tubig sa rehiyon.
Samantala, sinabi ni Aplal na target ng MENRE-EMS na makapag-adopt at makarehabilitate ng 20 estero o creek sa rehiyon sa taong 2021. Ito ay sa ilalim ng Environmental Regulations and Pollutions Control Program ng ministry.
Nabatid na mula Marso ngayong taon ay pitong mga stakeholder na sa Maguindanao at Lanao del Sur ang lumagda sa kaparehong kasunduan kasama ang ministry.
Dalawa sa mga lumagda ay mula sa Maguindanao kabilang ang Agumil Philippines Inc. sa Buluan, at EKA-SALAM Agri-Ventures Corp. sa Ampatuan. Lima naman ay mula sa Lanao Del Sur kabilang ang Bushra Base Command Marketing Cooperative sa Butig, Farmers Producer Cooperative sa Maguing, Wao Development Corporation sa Wao, Kabataang Salam ang Hangarin (KASALAH) sa Buadipuso Buntong, at Mt. Kalatungan Agri-Ventures Inc. sa Amai Manabilang. (With reports from BIO-BARMM).