PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Sinimulan na ang pagbabakuna kontra-COVID-19 ng mga tourism frontliner at worker sa Palawan partikular sa mga Bayan ng Coron, El Nido, San Vicente at Puerto Princesa.
Ang pagsisimula nito kahapon, 03 Agosto, sa pamamagitan ng ceremonial vaccination ay personal na sinaksihan nina National Inter-Agency Task Force Deputy Chief Implementer Secretary Vivencio ‘Vince’ Dizon at Department of Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Unang binisita ng mga ito ang bayan ng Coron, sumunod ang El Nido at San Vicente, at huling pinuntahan ang Puerto Princesa City bago tuluyang bumalik ng Maynila ang mga opisyales.
Sa ceremonial vaccinations ng mga nabanggit na lugar, tig-sampung tourism frontliners and workers ang binakunahan ng SinoVac vaccines.
Ang pagbisita nina Dizon at Puyat sa Palawan ay bilang suporta din ng National IATF sa muli at unti-unting pagbubukas ng industriya ng turismo.
Sa mensahe ni Sec. Dizon sa El Nido, sinabi nito sa mga opisyal ng Palawan na kapag may dumating na mga bakuna mula sa pamahalaang nasyunal at COVAX facility ay ibakuna agad sa mga priority group upang ma-protektahan ang mga ito laban sa COVID-19.
“Ang commitment po namin talaga, hindi lang sa Palawan kundi sa major tourism destinations sa buong Pilipinas, kagaya ng Boracay, Palawan, Bohol, at iba pang mga area, kailangan within 2021, matapos lahat ng tourism workers na mabakunahan. Kayo pong nagtatrabaho dito sa resorts, sa mga boatman, sa mga nagda-drive ng mga pedicab sa Boracay at dito sa El Nido town, lahat po ‘yan ay essential tourism workers, at kung kahit isa sa kanila ay hindi bakunado, hindi po safe ang tourism industry at hindi babalik ang mga turista sa ating bansa. Kaya po, talaga kailangan, bago matapos ang taon ay dapat bakunado na po kayong lahat. So, ‘yan po ang commitment ni Secretary Galvez at ibibigay po namin yan para sa Palawan”, ang pahayag ni Dizon
Sinabi rin ni Dizon, na si DOT Secretary Puyat ang talagang nagtulak upang ma-prayoridad ang mga tourism fronliner at worker na mabakunahan na kontra-COVID-19.
Ayon naman kay Puyat, ang pagbabakuna lang ang susi para makasimula muli ang turismo. Aniya, tuloy-tuloy na ito hanggang sa mabakunahan ang lahat ng tao sa El Nido dahil lahat ng tao sa El Nido ay tourism frontliners at workers.
Ang mga munisipyo ng Coron, El Nido, San Vicente at ang Lungsod ng Puerto Princesa ang dinadayo ng mga turista dahil sa bantog at "instagramable" na mga beach, likas yaman, kultura at marami pang magagandang pasyalan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)