PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) -- Muling nagpasa ng isang resolusyon ang Sangguniang Panlunsod ng Puerto Princesa noong Agosto 9, para na mapayagan na ang pagpapatitulo ng lupa.
Ito ay ang Resolution No. 244-2021 na may titulong 'A resolution reiterating the request to His Excellency,Preisdent Rodrigo Roa Duterte, through the Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary, Honorable Roy A. Cimatu, to lift the suspension on issuance of survey authority, conduct and approval of survey of untitled alienable and disposal lands, and acceptance and processing land applications in the City of Puerto Princesa', na akda ni City Councilor Peter Q. Maristela.
Sa panayam ng PIA-Palawan kay Konsehal Maristela, sinabi niya na maraming residente ang siyudad na nais mapatituluhan ang kanilang mga lupa pero hindi ito magawa kaya hindi nila mapaunlad ng husto ang kanilang mga lupain. Ito ang siyang naging dahilan para sila ay muling humiling sa DENR.
“Sa mga committee meetings noong nakaraan, ang DENR-City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na mismo ang nagsasabi na i-lift na ang suspension kasi marami na talagang napi-pending na aplikasyon ng lupa”, saad pa ni Maristela.
Aniya pa, sa pangyayaring ito ay malaki na ang nalulugi sa pamahalaan sapagkat hindi nanaisin ng mga mamumuhunan na bumili ng lupa para linangin ang lupang wala pang titulo at mayroon rin aniyang patakaran ngayon ang City Assesors Office na hindi binibigyan ng tax declaration ang mga lupang wala pang titulo kaya malaki ang mababawas sa kita ng siyudad sa Real Property Tax.