CALAMBA CITY, Laguna (PIA) – Maglalagay ng karagdagang deputized environment and natural resources officers o DENROs and Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape para matiyak ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan sa protektadong lugar.
Sa direktiba ni Environment Secretary Roy A. Cimatu sa kanyang pagbisita sa UPMRBL nitong Agosto 10, ay inatasan niya ang DENR Calabarzon upang agarang umpisahin ang enforcement training para sa mga itatalagang DENROs.
Ayon kay Cimatu, makakatulong ang mga DENROs bilang opisyal na katuwang ng ahensiya sa pagpapatupad ng mga batas sa loob ng naturang protected area.
“Hindi ko pinapayagan ang anumang illegal na gawain lalo dito sa loob ng Protected Area. We will deal with them one by one,” pahayag ni Cimatu.
Nais din ni Cimatu na palakasin ang military force sa loob ng UMRBPL. Kaya naman bukod sa mga kawani ng DENR at iba pang organisasyon na katuwang ng ahensiya ay target din ng DENR na isama ang mga kawani ng PNP Special Action Forces, Bureau of Corrections, Philippine Army, at iba pang law enforcement agencies sa isasagawang enforcement training.
Patuloy naman ang pakikipag ugnayan ng ahensya sa NBI para sa posibleng pag aresto at pagsampa ng kaso sa mga lumalabag sa batas pangkalikasan sa loob ng Protected Area.
Patuloy din ang pagsulong ng ahensiya sa Environmental Protection and Enforcement Bureau (EPEB) Bill upang ito ay maisabatas na.
Ayon sa DENR, naitala na noong 2014 ay mayroong 1,346 na households ng tenured migrants sa loob ng UMRBPL habang 2,066 naman ang non-tenured migrants kung saan ang kanilang hanapbuhay nila ay nakadepende sa likas na yaman sa loob ng protected area.
Hinihikayat naman ng DENR Calabarzon ang publiko na makiisa sa laban sa kalikasan sa pamamagitan ng pagsusumbong ng iligal na gawain na may kaugnayan sa kalikasan sa kanilang tanggapan. – FC, PIA4A (may ulat mula sa DENR 4A)