LUNGSOD NG LEGAZPI (PIA) -- Isa ang Department of Education Region V sa 31 ahensya at local government units (LGUs) sa bansa na tatanggap ng prestihiyosong Selyo ng Kahusayan sa Serbisyong Publiko mula sa Komisyon ng Wikang Pambansa (KWF).
Ang parangal na ito ay igagawad para sa kanilang paggamit ng wikang Filipino ngayong panahon ng pandemya sa pagtatapos ng Buwan ng Wika sa Agosto 31.
Kinikilala sa nasabing parangal ang mga ahensiya at LGUs na tumatalima sa Kautusang Tagapaganap Blg. 335 (EO 335). Hinihimok ng nasabing EO ang lahat ng mga kagawaran, kawanihan, opisina, ahensya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon, komunikasyon at ibang uri ng liham.
May apat na antas ang parangal na ito. Kasama sa tatanggap ng parangal ang mga sumusunod:
Unang antas: DBM, DOST, MTRCB, OPAP, FRMMC, bayan ng Orion, lungsod ng Parañaque, Valenzuela at Museu ng Pasig.
Ikalawang antas: DA, DOLE-BWSC, DOT, DENR, DepEd Central, DepEd Region 5, DILG, MIAA, PCOO, PAF at Bayan ng Marilao
Ikatlong antas: DSWD, MMDA, QMMC, RMC at lungsod ng Sta Rosa
Ikaapat na antas: CFO, lungsod ng Mandaluyong, Maynila at Taguig
Sa unang pagkakataon, pagkakalooban naman ang KWF Selyo ng Dangal sa Serbisyo Publiko ang Korporasyong Pangkoreo ng Pilipinas (PHLPost) para sa kanilang huwarang paggamit ng Filipino sa buong bansa.
Iginawad ang pinakamataas na karangalan sa PHLPost para sa kanilang limang magkakasunod na taong pagtanggap ng parangal mula 2016-2021.
Mapapanood ang online na parangal sa FB page ng KWF. (SAA/PIA5/Albay/KWF)