No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Isla ng Liwagao, nabawi na ng OrMin sa lalawigan ng Antique

Isla ng Liwagao, nabawi na ng OrMin sa lalawigan ng Antique

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro – Nabawi na ng lalawigan ang Liwagao Island ng bayan ng Bulalacao sa Antique.

Ito ang masayang balita na ibinahagi ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa ipinatawag ng press conference matapos maglabas ng 30 pahinang desisyon si Judge Erwin Y. Dimayacyac ng  Regional Trial Court (RTC) Br. 43 sa bayan ng Roxas, na pumapanig sa Oriental Mindoro.

Sinabi ni Dolor, “hindi nasayang ang ating pakikibaka dahil nakamit na natin ang muling pag angkin sa isla ng Liwagao na sakop ng bayan ng Bulalacao at lalawigan ng Oriental Mindoro matapos ang mahigit siyam na taon at hindi rin nasayang ang ating paghihirap.”


Ayon sa kasaysayan, sa pagitan ng 1978 at 1979, ang noo’y alkalde ng Bulalacao na si Dolores S. Bago at alkalde na si Oscar Lim ng bayan ng Caluya, Antique, noong mga panahon na iyon, nakiusap ang huli kay Bago na pansamantala o ipahiram muna ang hurisdiksiyon ng nasabing isla dahil sa ito’y pinagtataguan ng mga magnanakaw ng baka at ilang mga gumagawa ng krimen sa munisipalidad ng Caluya at hindi anya mahabol ng pulis ang mga ito dahil sakop ng Bulalacao at Oriental Mindoro ang isla.

Kaya sumang-ayon ang magkabilang panig na pagkatapos ng kanilang termino ay ibabalik na uli ito sa pamamahala ng Bulalacao ngunit, wala itong kaukulang dokumento kundi sa salita lamang.

Nagpatawag ng press conference Gov. Humerlito 'Bonz' Dolor upang ibalita na nabawi na ng bayan ng Bulalalaco at lalawigan ng Oriental Mindoro ang isla ng Liwagao matapos na isapinal ang desisyon ni Judge Erwin Dimayacyac kamakailan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Lumipas ang maraming taon ay halos hati na ang mga residente kung sino ba sa dalawang bayan ang tunay na sumasakop sa isla. Kapag kailangan bumili, magdala ng pasyente sa ospital, mangangalakal at bumoto ay sa Bulalacao pumuputa ang mga residente dahil malapit ito at nasa humigi’t-kumulang 15 minutong biyahe lamang sa pamamagitan ng bangka o batil, habang sa munisipalidad ng Caluya ay nasa humigi’t-kumulang apat na oras ang biyahe.

Dahil dito, nagpetisyon si Dolor noong siya ay bise goberador pa ng lalawigan, kasama ang Sangguniang Panlalawigan at Bulalacao Mayor Ernilo Villas sa RTC Br.43 na may Civil Case No. C-566 “For: Recovery and Declaration of Territorial and Political Jurisdiction Dominion, Prohibition and Mandamus” noong Oktubre 12, 2012.

Makikita sa larawan na mas malapit ang Liwagao Island sa bayan ng Bulalacao na 9.42 kilometro lamang ang layo kung ikukumpara sa bayan ng Caluya na 29.2 kilometro ang pagitan na halos apat na oras ang biyahe lulan ng batil. (Larawan mula sa tanggapan ng NAMRIA)

Base naman sa isinumiteng mapa at dokumento ng National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) sa korte, ang isla ng Liwagao/Libago/Libagao ay bahagi ng grupo ng mga isla ng Semirara sa pagitan ng mga isla ng Mindoro at Panay na kung titignan sa mapa ay mas malapit ito sa bayan ng Bulalacao Oriental Mindoro at malayo sa isla ng Caluya.


Nilinaw naman ni Dimayacyac na wala anya siyang pinapanigan bagamat siya ang huwes sa nasabing korte at bayan ay hindi siya lehitimong Mindoreño o Antiqueño kundi tubong Maynila at nadestino lamang sa lalawigan ng Oriental Mindoro mula sa utos ng mataas na hukuman.

Sa huli, ang pinal na hatol ng korte ay ang mga sumusuod; Una, nakita sa mga naging kaganapan na ang isla ng Liwagao/Libago/Libagao ay nasa teritoryal, politikal, at administratibong hurisdiksiyon ng munisipalidad ng Bulalacao at ng lalawigan ng Oriental Mindoro na hindi rin ito kabilang sa munisipalidad ng Caluya o lalawigan ng Antique.

Ikalawa, direktang inaatasan ang munisipyo ng Caluya at lalawigan ng Antique na ihinto na ang anumang pamamahala o otoridad sa nasabing isla gayundin ang paglipat ng mga pampublikong istraktura at pagsasaayos ng lugar at mandatong pamahalaanan na ng bayan ng Bulalacao at lalawigan ng Oriental Mindoro ang administratibong hurisdiksiyon sa isla ng Liwagao.

“Ang hiram ay hiram, at dapat itong isauli sa hiniraman. Sana maunawaan ito ng mga kaibigan nating namumuno sa munisipalidad ng Caluya at lalawigan ng Antique,” pagtatapos na mensahe ni Dolor. (DN/PIA-OrMin)


About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch