LUNGSOD QUEZON (PIA)—Pinalawig pa hanggang Agosto 31 ang pamimigay ng ayuda sa mga apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG).
“In-extend ng national government sa pamamagitan ng DILG ang ayuda payout hanggang katapusan, August 31,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr. sa kanyang virtual press briefing kahapon, August 26.
Ayon kay Roque, P9.1 billion mula sa P11.2 billion o 80% ng ayuda ang naipamahagi na ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa mga higit na nangangailangang pamilya.
“Ibig sabihin, mahigit siyam na milyon ang nakatanggap na ng cash assistance,” dagdag pa ni Roque.
Ayon kay Roque ito na aniya ang pinakamabilis na pamamahagi ng ayuda sa Metro Manila simula nang pandemya.
Pinuri nman ni Roque ang Caloocan City sa pamumuno ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na natatanging local government unit (LGU) na nakumpleto ng pamamahagi ng ayuda bago pa man ang Agosto 24 na takdang araw. (MBP/PIA-IDPD)