MAYNILA, (PIA) -- Payo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong araw, mas mabuting ipamigay na lamang ang mga hindi nakuhang ECQ ayuda sa mga umaapela sa grievance committee.
Ito'y matapos ang distribution deadline kahapon, ika-31 ng Agosto, para sa mga local government unit (LGU), kung saan hindi pa rin 100% na tapos ang pamamahagi na ayuda para sa mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Batay sa tala ng DILG, nasa 95% pa lamang na tapos ang pamamahagi ng ayuda sa Metro Manila pero may ilang mga residente ang hindi sumipot sa nakatakdang schedule.
Magugunitang isinailalim sa ECQ ang Metro Manila noong Agosto 6-20, 2021 upang mapigilan ang pagtaas ng COVID-19 infection.
Dahil sa ECQ, ang pinakamahigpit na quarantine classification na ipinatutupad ng pamahalaan sa gitna ng pandemya, kinakailangang maglabas ng pondo ang pamahalaang nasyunal para sa mga lubhang naapektuhan ng dalawang linggong lockdown sa Kamaynilaan.
Nagtatag din ang mga LGU ng grievance committee kung saan maaaring umapela ang mga residente hinggil sa ayuda. (PIA-NCR)