Mga kuha mula sa Office of Civil Defense
MAYNILA, (PIA) -- Umani ng suporta sa publiko ang huling Online Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o NSED ngayong taon na idinaos Huwebes ng umaga.
Ito ay nilahukan ng publiko at ng iba't ibang sektor kabilang ang mga ahensya ng pamahalaan, akademya, pribadong organisasyon at iba pa.
"Nagagalak kami sa inyong muling pagsama gayon din sa inyong pakikiisa sa ginanap na webinar noong martes. Umaasa kami na kinapulutan ninyo ito ng mga mahahalagang aral na inyong isasabuhay at isasakatuparan sa inyong mga tahanan at mga opisina. Kaya’t binabati ko kayo at lubos na pinasasalamatan sa inyong kooperasyon at patuloy na pakikibahagi," ani NDRRMC Executive Director at Undersecretary Ricardo B. Jalad.
Nagpaabot din ng mensahe sina Department of Social Welfare and Development at NDRRMC Vice-Chairperson for Disaster Response Secretary Rolando Bautista, Department of Agriculture Secretary William Dar, Department of National Defense Undersecretary Cardozo M. Luna, bilang kinatawan ni NDRRMC chair at Secretary Delfin Lorenzana, Department of Science and Technology Usec. Renato U. Solidum Jr., Asian Disaster, Preparedness Center Executive Director Hans Guttman, at Center for Disaster Preparedness Philippines Executive Director Dr. Cely Binoya.
Bilang bahagi ng NSED, nagdaos din ang NDRRMC ng preparedness webinar noong Nobyembre 9 para sa mga may kapansanan, biktima ng kalamidad at mga mangingisda.
Nagsagawa rin ng table exercise kahapon para sa DRRM Councils ng probinsya ng Zambales, munisipalidad ng San Antonio, at Barangay DRRM Committee ng Pundaquit hinggil sa earthquake at tsunami scenario.
Sa pagtatapos ng NSED ngayong taon, nanawagan si Usec. Jalad sa patuloy na pakikiisa ng publiko.
"Umaasa kami na hindi rito nagtatapos ang inyong pakikiisa bagkus mas yayabong pa ito at magpapatuloy para sa lahat ng aktibidad at programang pangkaligtasan ng pamahalaan. Magtulungan tayong palagi at sama-sama nating dalhin ang ating bansa sa kaligtasan, katatagan at kaunlaran. Magkita-kita tayo sa mga susunod pang NSED." aniya.
Isang oras matapos ang programa, nagtala ang livestream ng Fourth Quarter NSED ng 43,000 peak concurrent viewers, 258,600 views, and 373,900 engagements ayon sa Facebook insights. (OCD/PIA-NCR)