BAYOMBONG, Nueva Vizcaya (PIA)- - Isinusulong ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagpapanatili ng malinis na irrigation systems para sa tuloy-tuloy na daloy ng tubig sa mga bukirin.
Kamakailan lamang, nagsagawa ng information campaign ang NIA Nueva Vizcaya kung saan mga babala at pabatid na mga signages ang ikinabit sa mga iba’t-ibang lugar ng irrigation systems sa lalawigan.
Nakapaloob sa mga signages ang mensahe sa tamang pagpapanatili ng kalinisan sa mga irrigation systems sa pamamagitan ng hindi pagtatapon ng basura rito.
Ang mga kawani ng NIA at mga miyembro ng irrigators associations ang sama-samang nagsagawa nito sa mga iba’t-ibang lugar at lokasyon ng Colocol Integrated National Irrigation System (CINIS) main canals sa bayan ng Bayombong at Solano at sa Bagabag Irrigation Systems (BIS) .
“Isa itong paraan upang himukin ang mga mamamayan na iwasan at itigil ang pagtatapon ng basura sa mga irrigation systems upang mapanatili ang malinis at tamang daloy ng tubig sa mga bukirin,” pahayag ni Engineer Edison Tolentino, NIA Division Manager. (MDCT/BME/PIA Nueva Vizcaya)