
Ang pagrespode ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) District Palawan sa naaksidenteng eroplano sa El Nido, Palawan kung saan makikita sa larawan ang pagsagip sa isa sa mga sakay ng eroplano. (Larawan mula sa Philippine Coast Guard)
PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) -- Maagap na rumesponde ang mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) District Palawan sa isang insidente ng plane crash na naganap sa El Nido, Palawan, na nangyari noong Disyembre 10 ng hapon.
Sa incident report na ipi-nost ng Philippine Coast Guard sa kanilang Facebook page account, nasagip ng mga kawani ng PCG-Palawan ang dalawang sakay ng CESSNA 206 type private plane na may numerong RPC979 at pag-aari ng Aerohub na nag-emergency landing malapit sa Duli Beach sa Bgy. Teneguiban, El Nido, Palawan. Ang mga ito ay ang pilotong lalaki at ang mekanikong babae na nasa ligtas na kalagayan na sa kasalukuyan.
Ayon pa sa incident report, ang nasabing eroplano ay mula sa San Vicente, Palawan Airport at patungo sana sa Sangley Point Airport sa Cavite kung saan sakay nito ang dalawang indibidwal at live fish na tinatayang nasa 25 boxes nang magkaroon ito ng engine trouble at naaksidente.
Matapos matanggap ng PCG-Palawan ang nasabing ulat ng insidente ay agad itong naglunsad ng Search and Rescue Operation Team upang rumesponde at sa utos na rin ni PCG District Palawan Commander, CG Captain Angel Z. Viliran ay pinadala rin ang barko ng PCG na BRP Capones (MRRV-4404) upang tumulong sa SAR operation. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)