No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

'Araw-araw Pasko sa SOCO,' regalong handog sa mga katutubong Mangyan

'Araw-araw Pasko sa SOCO,' regalong handog sa mga katutubong Mangyan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) -- Naghatid ng saya ang Police Regional Forensic Unit Mimaropa at OrMin Provincial Forensic Unit sa halos 300 batang katutubo mula sa tribong Alangan Mangyan, matapos ang dalawang araw na proyektong Araw-araw Pasko sa SOCO na ginanap kamakailan sa dalawang bayan sa lalawigan.

Ang proyekto ay handog ng Forensic Team sa pamumuno ni Regional Chief PCol Nerino Daciego, katuwang ang Regional Finance Service Office na pinangunahan PMaj Joey Saulog at mga tauhan ni Naujan Municipal Police Station (MPS) Chief LtCol Roden Fulache ang mga katutubo sa Sitio Belen Gawad Kalinga Village, Brgy. Arangin Naujan kung saan ay binubuo ng 115 pamilya at may humigit-kumulang 200 bata ang hinandugan ng mga regalo at pagkain, ice cream at tanging bilang na sayaw ng kapulisan.

Naghandog-saya ang kapulisan sa mga batang katutubo sa Gawad Kalinga Village, Brgy. Arangin Naujan sa kanilang programang 'Araw-araw Pasko sa SOCO' sa pamamagitan ng pagpapakain ng ice cream at lugaw kamakailan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Bukod dito ay tinuruan din ang mga bata ng tamang pamamaraan ng pagsepilyo, pagligo, pagkulay sa libro at paglalaro ng basketball.

Bilang pasasalamat naman ng mga kabataang katutubo ay nag handog din sila ng sayaw bago matapos ang programa.

Nagbigay kasiyahan sa mga katutubo ang pagsasayaw ng grupo ng kapulisan (kaliwa) at hindi rin naman nagpahuli ang mga kabataang katutubong Mangyan mula sa tribo ng Alangan na residente ng Gawad Kalinga Village. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Samantala, sa sumunod na araw ay tinungo naman ng grupo, kasama ang ang mga tauhan ni Baco Municipal Police Chief Lt Erl Patrick Maglana, ang lugar ng Sitio Sungi, Brgy. Tagumpay Baco kung saan kailangan maglakad ng humigit-kumulang 20 minuto ang grupo sa mga pilapil at kanila itong ginawa kahit umuulan at pagdaan sa ilang matubig na palayan bago marating ang lugar kung saan idadaos ang programa.

Bitbit ng mga pulis ang mga regalo para sa 35 pamilya na nakatira sa Sitio Sungi, Brgy. Tagumpay Baco upang pagkalooban ng pamaskong handog bilang bahagi pa din ng programang 'Araw-araw Pasko sa SOCO'. kailangan tumawid sa mga kahoy na tulay (kaliwa) at maglakad sa mga palayan (kanan) para marating ang lugar na hindi alintana ang unti-unting pagpatak ng ulan. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

Nagpalaro din ang Forensic Team at binigyan ng mga premyo ang mga nanalo gayundin ay pinagkalooban nila ng food packs ang 35 pamilyang naninirahan doon kabilang ang 68 na mga batang katutubo at kasamang namahagi ng pagkain at mga tsinelas ang Baco MPS.

Kasama din sa dalawang araw na outreach program na siyang nakipag-ugnayan sa mga nasabing lugar ang mga kasapi ng Regional Advisory Council at kanila din pinasalamatan ang mga tumulong upang maging matagumpay ang proyektong ito tulad ng Police Regional Office Mimaropa, PDEA, at mga personalidad mula sa pribadong sektor na siya naman naghandog ng mga laruan, damit, pagkain at cash assistance. (DN/PIA-OrMin)

About the Author

Dennis Nebrejo

Writer

Region 4B

Public Information Assistant

Philippine Information Agency

2nd Flr. George Teng Bldg., JP Rizal St., cor. Gozar St., Brgy. Camilmil Calapan City

Email : dennis.nebrejo@pia.gov.ph

Feedback / Comment

Get in touch