No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

PH Army, nakubkob ang isang kuta ng mga terorista sa OccMdo

PH Army, nakubkob ang isang kuta ng mga terorista sa OccMdo

Kabilang sa mga narekober ang ilang mga armas at bala, propaganda materials, mobile phones, at anti-personnel mines o pampasabog. (203rd IB)

SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang isang kuta ng mga teroristang Communist Party of the Philippines- New Peoples Army (CPP/NPA) sa Barangay Manoot, bayan ng Rizal kamakailan.

Ayon sa pagtaya ng Alakdan Troopers (4th IB, 2ID), abot sa 30-40 katao ang maaaring umokupa sa nasabing kuta, batay sa bilang ng mga natagpuang makeshifts o pansamantalang tinutuluyan ng mga terorista. Kabilang sa mga narekober ang ilang mga armas at bala, propaganda materials, mobile phones, at anti-personnel mines o pampasabog.

Sinabi ni Lt Col Jeriko Roman Sasing, Battalion Commander ng 4th IB, malaki ang tulong ng mga naninirahan sa nasabing barangay kaya mabilis na nasabat ng tropa ng pamahalaan ang mga terorista. Patuloy aniyang tinugis ang tumatakas na rebelde hanggang sa marating ng Philippine Army ang pinagkukutaan ng mga ito.

Ani Sasing, pagod na ang mga mamamayan sa ginagawang pangingikil, panlilinlang at panggigipit ng mga Communist Terrorist Group (CTG), kaya't aktibong nakikipagtulungan ang mga ito sa militar sa pamamagitan ng pagbibigay-impormasyon sa presensya ng mga terorista.

Kaugnay nito, ipinahayag din ng opisyal na matibay ang kanyang paniniwala na wala nang natatanggap na suporta at simpatiya ang mga CTG mula sa publiko. Patunay nito ang pagtalikod sa kanila ng mga nasa malalayong pamayanan kung kaya’t napipilitang magtungo ang mga terorista sa mas liblib na lugar upang mag-kuta, gaya nga ng nakubkob ng militar sa Brgy Manoot.

Paalala ni Sasing, bukas ang pamahalaan sa pagbabalik-loob ng mga CTG. “Kung kayo ay pagod na, nagugutom o gusto nang makasama ang inyong pamilya, maaari kayong lumapit sa kapulisan, sa ating mga pari, sa Lokal na Pamahalaan at sa Philippine Army upang tulungan kayong sumuko,” saad ni Sasing.

Dagdag pa ng opisyal, sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay makatatanggap ng tulong-pinansyal ang mga nagbabalik-loob na maaari nilang gamitin sa pagbabagong buhay. (VND/PIA MIMAROPA)

About the Author

Voltaire Dequina

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch