SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) -- Nagsama-sama kamakailan ang mga Former Rebels (FRs) ng probinsya, kasama ang kanilang pamilya, sa Sablayan Sports Complex upang ipanawagan ang kapayapaan at pagbabalik-loob sa pamahalaan ng mga Communist Terrorist Groups (CTGs).
Sa kanyang mensahe ay sinabi ni Roselyn Galario, pangulo ng Mindoro Island Fully Reconciled Association (MIFRA), na layon ng Peace and Prayer Rally na makamit ng bansa ang tunay na kapayapaan, na aniya’y mangyayari lamang sakaling sumuko ang mga CTGs. Kasabay nito, nanawagan ang buong MIFRA sa mga patuloy na nag-aaklas, na subukang makiisa sa kanilang paglilingkod sa bayan at sa simbahan.
Sa mga nakalipas na panayam kay Lt. Col Bienvenido Hindang, Battalion Commander ng 76th IB, PA, sinabi nitong ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang ipaunawa sa mga CTG na tapat ang hangarin ng gobyerno na tulungan silang magbalik-loob. Aniya, sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ay makatitiyak ang mga FRs na aalalayan sila ng gobyerno sa kanilang pagbabagong-buhay. Bibigyan aniya ang mga ito ng financial assistance at kaukulang mga pagsasanay para sa kanilang maiisipang pagkakakitaan o kabuhayan.
Idinagdag pa ng opisyal na sa bisa naman ng Whole-of-Nation Approach, na buod ng Executive Order No. 70 ng Pangulong Rodrigo Duterte, ay nagtutulong-tulong ang mga ahensya upang paunlarin ang kabuhayan ng mga nasa kanayunan, na isang hakbang upang hindi na malinlang ang mga ito na sumapi sa grupo ng mga terorista.
Pinapurihan naman ni Hindang ang mga dumalong FRs sa ginawang pagtitipon dahil ipinakita ng mga ito ang kanilang sinseridad sa pagtalikod sa dating kinaaanibang samahan.
Samantala, lumutang din sa nasabing aktibidad na ang isinusulong na maling digmaan ng mga CTGs ay nagresulta sa maraming magulang na nawalan ng anak at mga pamayanan na nasadlak sa kahirapan, lalo ang mga nasa liblib na lugar.
Ang naganap na Peace and Prayer Rally ay pinangunahan ng Seventh Day Adventist, MIFRA, Lokal na Pamahalaan, Philippine National Police, Philippine Army, at iba’t ibang ahensya. May tema itong Kabuhayan, Kapayapaan, Kaligtasan. (VND/PIA MIMAROPA)