LUNGSOD PASIG, (PIA) -- Inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ipatutupad simula sa Lunes, Enero 17, 2022, ang “No Vaccination, No Ride/No Entry” sa mga istasyon ng LRT-2.
Alinsunod sa kautusan ng Department of Transportation (DOTr), ang mga sasakay sa LRT-2 ay kailangang magpakita ng alinmang government issued ID at ng mga sumusunod:
- Pisikal o digital na kopya ng vaccination card na inisyu ng LGU
- Vaccination certification na inisyu ng Department of Health (DOH)
- Anumang IATF-prescribed document
Samantala, ang mga pasaherong hindi sakop ng “No Vaccination, No Ride” policy ay ang mga sumusunod:
- Mga taong hindi puwedeng bakunahan dahil sa kondisyong medical. Kailangan lang magpakita ng Medical Certificate na pirmado, may pangalan at contact number ng doctor.
- Ang mga taong may medical emergencies at ang mga bibili ng essential goods and services tulad ng, at hindi limitado sa, pagkain, tubig, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho at pangangailangang medical at dental na siyang nakasaad sa Barangay health pass o anumang katibayan na siya ay pinapayagang magbiyahe.
Kamakailan, ipinag-utos ni Transportation Secretary Art Tugade ang naturang polisiya sa mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila. (LRTA/PIA-NCR)